NATAPOS na ang pagtatago ng isang lalaki na wanted sa kasong statutory rape matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang akusado na si alyas ‘James’, 20.
Dinakip si ‘James’ sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Presiding Judge April Anne M. Turqueza-Pabellar, ng Family Court, Branch 6, Third Judicial Region, Sta. Maria, Bulacan noong August 16, 2024, para sa kasong Statutory Rape.
Ayon kay Col. Canals, walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Cadena de Amor Police Substation-11 na nagtatago umano sa Camarin ang akusado na nakatala bilang Top Most Wanted Person sa Bulacan.
Kasama ang mga tauhan ng NCRPO-RDEU Team 3, agad nagsagawa ang SS11 ng joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3:20 ng gabi sa Lirio Street, Barangay 175, Camarin.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng SS11 habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang dedikasyon at mabilis na action ng mga tauhan ni Col. Canals na nagresulta sa matagumpay na operation. (JUVY LUCERO)
More Stories
NM Nika sosyo sa 5 iba pang manlalaro sa Marienbad Open 2025 – C FIDE Open 23rd International Chess Festival
Lalaki, arestado sa panggugulo at baril sa Navotas
2 welder, patay nang ma-trap sa nasunog na barko sa Navotas