January 23, 2025

MOST WANTED NG TAGAYTAY CITY SA STATUTORY RAPE, NATIMBOG SA VALENZUELA

NADAKIP ng pulisya ang mister na most wanted ng Tagaytay City dahil sa kasong statutory rape sa manhunt operation sa kanyang pinagtataguan lugar sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz si Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr sa matagumpay na operation kontra wanted person na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rolan Quindoza, 31 ng Phase 2, Blk. 16, Lot 12, Assumption Ville, Brgy. Lingunan, Valenzuela City.

Ani Col. Destura, nakatanggap ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela police ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng akusado na most wanted ng Tagaytay City sa Brgy. Lingunan kaya nagsagawa sila ng validation.

Nang positibo ang ulat, bumuo ng team ang WSS sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo, PSMS Noe Salvidar, PMSg Joy Ortea, PSSg Roy Michael Gregorio, PSSg Jonathan Mansibang, PCpl Kolleen Primo at Pat Roland Buenaventura, kasama ang mga tauhan ng Luzon Field Unit – Women and Children Protection Center saka ikinasa ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa kanyang bahay alas-5:50 ng hapon.

Ayo kay PSSg Junrey Singgit, si Quindoza ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong June 27, 2022 ni Judge Raquel Ventura Aspiras-Sanchez ng Family Court Branch 3, Tagaytay City para sa kasong Statutory Rape (2 counts).

Ayon kay PSSg Junrey Singgit, walang inirekomenda ang korte na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.