December 26, 2024

Moroccan national dinampot sa pambabastos sa dalagita

BAGSAK sa selda ang isang Moroccan national matapos panggigilan ang matambok na puwitan ng 17-anyos na dalagita na nakatayo sa harapan ng tarangkahan ng kanilang bahay sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.Kinilala ang inarestong dayuhan na si Armando Ibrahim, 34, residente ng Paradise Village, Letre, Brgy. Tonsuya.

Sa ulat na isinumite nina SSgt. Diana Palmones at P/SSgt. Mayett Simeon ng Women and Children Protection Desk (WCPD) kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, habang nakatayo sa harapan ng tarangkahan ng kanilang bahay sa Brgy. Hulong Duhat ang Grade 11 na dalagitang estudyante dakong alas-5:30 ng hapon nang panggigilan umano ng suspek ang kanyang puwitan kaya nagtatakbo ang biktima papasok ng kanilang bahay dahil sa takot sa dayuhan.

Nasaksihan naman ng 33-anyos na lalaking kapitbahay ng biktima ang kabastusang ginawa ng dayuhan kaya’t kinompronta niya ang suspek na dahilan ng pagkakaroon ng komosyon.

Dito na nakapagsumbong ang biktima sa kanyang tiyahin kaya’t kaagad silang humingi ng tulong sina P/Cpl. Karen Borromeo at P/Cpl. Donald Sanchez ng Malabon Police Sub-Station 7 na nagresulta sa pagkakadakip sa dayuhang manyakis

Sinabi ni Sgt. Palmones na paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination ang isasampa nilang kaso laban sa Moroccan national na kasalukuyang nakapiit ngayon sa detention facility ng Malabon City Police Station. (JUVY LUCERO)