
TUMALIMA ang National Book Store na tanggalin ang mga naka-display na money envelope na may label na “election materials essentials” sa lahat ng branch nito sa buong bansa matapos makatanggap ng formal request mula sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa palitan ng mga liham mula sa NBS at poll body, unang sumulat si Comelec Chairperson George Garcia sa nasabing sikat na bookstore noong Marso 17, matapos makatanggap ng report na isa sa mga branch ng sikat na bookstore ang nag-display ng coin envelops na nakategorya bilang election materials.
“We fear that said marketing strategy may normalize vote buying and/or the rampant distribution of money during elections,” nakasaad sa liham ni Garcia na naka-address kay National Book Store President Adrian S. Ramos.
Nangangamba si Garcia na tumatak sa isip ng mga mamimili na normal ang vote buying lalo na sa mga menor de edad.
Mabilis naman ang naging pagtugon ng bookstore.
Sa liham na ipinadala nito noong Marso 19, ipinabatid nito sa Comelec na wala silang masamang intensiyon sa paglalagay ng label at tiniyak ang agad na pag-uutos sa lahat ng kanilang branch na tanggalin ito.
Dagdag pa nila, suportado nila ang Comelec sa lahat ng programa nito.
Nagpasalamat naman ang poll body sa maagap na pag-aksiyon ng bookstore.
More Stories
P816-M SHABU NASABAT SA ORIENTAL MINDORO
3.4K overseas job opportunities inialok sa DMW job fair
PRO-DUTERTE VLOGGERS GINISA SA KAMARA