November 2, 2024

MON TULFO, ARESTADO SA KASONG LIBEL

Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang broadcaster na si Ramon “Mon” Tulfo, Jr. dahil sa kasong libel.

Inihain ng mga tauhan ng MPD-Special Mayor Action Team (MPD-SMART) ang warrant of arrest sa kapatid ni presumptive senator Raffy Tulfo sa loob ng quadrangle ng Manila City Hall pasado 10:00, Miyerkules ng umaga.

Inilabas ang warrant ni Manila Regional Trial Court Branch 24 presiding judge Maria Victoria Soriano-Villadolid.

Sinabi ng MPD na ang kaso ay bunsod umano ng paglabag sa Section r (c) (4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bago ang pag-aresto, isang Atty. Lean Cruz, abogado ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre II, ang humingi ng tulong sa MPD para arestuhin si Tulfo.

“[P]rior to the arrest [a certain] Atty Lean Cruz, [counsel] for the complainant informed this office about the case and seek police assistance to arrest the accused,” wika ni ng Manila Police District public information office.

“The accused was duly informed of her Constitutional Rights under R.A. 7438 in a language known to and understood by his and the nature of the charged being imputed against him but opted to remain silent.” dagdag pa nila.

Matatandaan na inakusahan noon ni Tulfo si Aguirre na nagbibigay ng proteksyon sa mga sindikato upang magawa ang kontrobersyal na “pastillas” scheme sa Bureau of Immigration.

Hindi naman malaman kung may kinalaman ang akusasyon ni Tulfo noon kay Aguirre sa kinakaharap na libel ng broadcaster.

Nangyari ang pag-aresto ilang araw matapos sabihin ng kapatid ng broadcaster na si incoming Sen. Raffy Tulfo na gusto niyang i-decriminalize ang libel dahil ginagamit lamang daw ito ng mga opisyal ng gobyerno para takutin ang mga mamamahayag.

Sa ngayon, nakakulong si Tulfo sa tanggapan ng MPD-SMART. BOY LLAMAS