November 5, 2024

Modus sa drive-thru COVID-19 testing center, buking

NAGBABALA si Mayor Isko Moreno laban laban sa mga namamantala sa drive-thru COVID-19 testing center para magkapera.

Ayon kay Domagoso, ipinaresto niya ang apat na pedicab driver na tinaguriang ‘mga tolonges sa pila,’ na ipinipila sa gabi pa lamang ang kanilang pinapasadang “tri-wheel vehicile” na Toktok sa nasabing testing center sa Lawton kung saan nagpapabayad ito ng P200 sa mga nais magpasuri.

“Pipila siya gabi ‘yung kanyang Toktok, tapos s’yempre ang gagawin naman nu’ng isa, ‘yung taong gustong magpa-test, magbabayad para bukas maaga siya. E libre na nga e, kaya lang siguro nainip o maaaring ilang araw na siyang nakabalik e hindi pa niya matiyempuhan, e kasi wala po kaming pinipili, kahit sinong mauna basta’t alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes,” ani Domagoso.

Iginiit naman ni Domagoso na ipinahuli na ang mga nananamantala sa libreng drive-thru testing center ng lokal na pamahalaan at sinabi nito na ipina-impound na ang kanilang mga minamanehong Toktok upang hindi na sila makapambiktima muli sa kanilang modus operandi.