November 1, 2024

Modernong Sandatahang Lakas ng Pilipinas, katuwang sa mabilis na pagpapatupad ng NTF- ELCAC

Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay itinatag ng pangkasalukuyang gobyerno upang tuldukan ang mga gawain ng mga armadong grupo na nagnanais pabagsakin ang pamahalaan, na matagal ng problema ng bansa. Matapos ipawalang bisa ng mga kabilang partido ang peace talks, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Communist Party of the Philippine-National People’s Army bilang isang terrorist organization at itinatag ang NTF-ELCAC sa pamamagitan ng Executive Order No. 70. Makalipas ang ilang taon, isa ang NTF ELCAC sa mga pangunahing Task Force na layuning pabagsakin ang mga armadong komunista at tulungang paunlarin at pasaganahin ang pamumuhay ng mga taong nakatira  sa mga liblib na pamayanan – mga lugar na siyang madalas na ginagawang kuta ng mga komunista. Katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang NTF-ELCAC ay patuloy na ngayong naglulunsad ng mga programang pang-kaunlaran.

Dahil nga isa ito sa mga pangunahing mandato ng pangulo na ang AFP dapat ang may mahalagang responsibilidad sa pagsasagawa ng mga proyekto ng gobyerno, binigyang diin ng mga pinuno ng AFP na magiging kaakibat sila ng taumbayan sa pagpapaunlad ng bansa sapagkat ito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Dagdag pa rito, kumpara sa ibang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa ng seguridad at kaunlaran ng bansa, ang AFP ang nasa posisyon upang maging magandang katuwang ng mga local government units at iba pang kalinyang mga ahensya para magbigay ng serbisyong publiko at magsagawa ng mga proyektong pangkaunlaran. Lingid sa kaalaman ng karamihan na nagsasabing ang tungkulin lamang ng mga sundalo ay humawak ng baril at makipagdigma, ang ilan sa mga sundalo ay kasapi ng Kongreso at nagsisilbing department heads at mga kalihim mula sa iba’t ibang ahnesya ng gobyerno, na siya namang tumutulong sa paggawa ng mga polisiya at programa upang pagtibayin ang seguridad at kaunlaran sa bawat panig ng bansa.

Ayon kay Lieutenant General Antonio Parlade Jr PA, ang pinuno ng Southern Luzon Command at tagapagsalita ng NTF-ELCAC, kailangan magtulong-tulong ang AFP at lokal na pamahalaan upang mabilis matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at lubos na masugpo ang armadong kilusan lalo na’t madalas na puntirya ng mga ito ang mga katutubo.

Walang dapat ikabahala ang mga mamamayan sa mga lugar na ito dahil sa pagsasabatas ng Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020, makakaasa ang mga Pilipino nang mas pinaigting na mekanismong ilalatag ng gobyerno upang mahadlangan ang mga banta at mga pagtatangka ng mga terorista sa sambayanan kabilang na ang mga dayuhang terorista na nagtatangkang magtatag ng kanilang lokal na grupo sa ating bansa. Gayunman, binigyang diin din sa batas na ito na maaaring magkaroon ng activism sa ating bansa pero hindi maaaring magkaroon ng terorismo o anumang uri ng panghihikayat patungo sa armadong pakikibaka.

Malaking pondo man ang binibigay dito ng gobyerno, malaking responsibilidad din ang bitbit ng NTF-ELCAC at AFP dahil nakasalalay dito ang malaking parte ng pag-unlad ng bansa. Dahil nga malaking papel ang ginagampanan ng sandatahang lakas sa paglunsad ng mga gawain at proyekto ng NTF-ELCAC, nararapat lamang na mapabilis ang modernisasyon ng AFP upang mas matugunan nila ang kanilang mga katungkulan. Ang modernisasyon ng AFP tulad ng patuloy na pagtaas ng kalidad ng mga kasangkapang militar at mas matalinong sandatahan ang pinagtutuunan ngayon ng pansin ng NTF-ELCAC upang maisakatuparan ang matagal nang layuning mawakasan ang komunismo at itaguyod ang kapayapaan at kaunlaran ng bansa.

Ang magandang pamamahala, mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, at paglikha ng matatag na komunidad na humahadlang sa mga komunistang grupo ang siyang kailangan ng mga mamamayan. Ito ang ginawa, ang ginagawa, at patuloy na gagawin ng sandatahang lakas katuwang ang NTF-ELCAC para sa mamamayan at para sa bansa.