January 1, 2025

MOA signing at Unveiling ng Metro Manila Subway at NSCR Exhibit sa Valenzuela

LUMAGDA ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela at ang Department of Transportation (DOTr) sa isang Memorandum of Agreement on the Academic Partnership sa pagitan ng DOTr – Philippine Railways Institute (PRI) at Valenzuela Technological College (ValTech), kasunod ng ceremonial signing ay ang pag-unveil ng Metro Manila Subway (MMS) at ng North-South Commuter Railways (NSCR) scale model exhibit na nakalagay sa gitna ng Valenzuela City Hall.

Pinangunahan ang MOA signing nina Mayor Wes Gatchalian, Secretary Jaime J. Bautista, Usec. Cesar Chavez, PRI Usec. Annelie Lontoc, Asec. Jorjette Aquino, LRTA Administrator Atty. Hernand Cabrera, Atty. Celeste Laute na kumakatawan sa PNR, ValTech Trustee G. Ramon Lopez, ValTech President Dr. Yolanda Gadon, at Vice Mayor Lorie Natividad-Borja.

Kasunod nito ay ang pag-unveil ng mga scale models ng MMS at NSCR exhibit sa gitna ng Valenzuela City Hall kung saan nagpapakita ang mga modelo ng subway depot at isang electric-powered na modelo ng tunnel boring machine na ginamit para sa subway project.

Sa pagsisikap na palakasin ang mga oportunidad sa pag-aaral ng mga mag-aaral ng ValTech, ang lokal na pamahalaan, sa pamumuno ni Mayor Wes Gatchalian, ay gumawa ng akademikong partnership sa DOTr at PRI sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of agreement. Layon nito na palawakin ang kurikulum at mga kasanayan para sa mga kurso sa engineering sa ValTech, sa pamamagitan ng suporta at kadalubhasaan ng PRI.

 “In furtherance of its vision to offer advanced programs in the field of  Engineering, which will meet the demands of a knowledge-based and technology-driven economy.” nakasaad sa memorandum ng kasunduan.

Dagdag pa rito, itinutuloy din ng lungsod ang pag-aalok ng mga kursong bokasyonal na may kaugnayan sa riles ng mga Valenzuelano sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa DOTr, bilang isang paraan ng pagpapahusay ng kwalipikasyon ng mga estudyante para sa trabaho sa industriya.

Kasama sa saklaw ng mga larangan ng pagtutulungan ang Academe-Industry linkage, Students Internship Program o On-the-Job Training, Faculty/Student training at seminar, at Skill certification sa pamamagitan ng DOTr PRI.

Ang MMS at NSCR ay hindi lamang magbibigay ng kaginhawahan sa karanasan sa pag-commute ng mga Valenzuelano para mabawasan ang oras ng paglalakbay, ngunit ito ay magkakaroon din ng mas maraming trabaho at mga oportunidad sa negosyo para sa mga nasasakupan na nakapalibot sa mga proyektong ito ng riles na higit na magpapalakas sa lokal na ekonomiya sa mahabang panahon.