PARA mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga Malabueño, nakipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa Development Bank of the Philippines (DBP) para ilunsad ang programa ng bangko na tumutulong sa pagpopondo sa mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan psa epektibong pagpapatupad ng mga programa.
Nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval at DBP President and CEO Michael O. de Jesus ang memorandum of agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan at DBP, na tinaguriang “Building Stronger Communiities: DBP’s Economic and Social Development Funding Program for Local Government Units” sa pagdiriwang ng 425th Foundation Day ng lungsod, Martes, Mayo 21.
Ito ay ginanap upang ipatupad ang Accelerating Sustainable Economic and Social Empowerment through National and Local Initiatives to Overcome Challenges (ASENSO) Financing Program.
Ayon sa DBP, ang Financing Program ay naglalayong magbigay ng financing assistance sa lahat ng antas ng local government units sa pagsasakatuparan ng mga proyekto nito upang mapabilis ang imprastraktura at sosyo-ekonomikong pag-unlad na naaayon sa mga layunin sa Philippine Development Plan; at mag-ambag sa pagkamit ng Sustainable Development Goals.
“Isang mapagpalang araw para sa Lungsod ng Malabon dahil ngayong araw ay ating pinirmahan ang MOA para sa partnership kasama ang DBP para sa programang layong makatulong at masiguro na ating maisasagawa ang ating mga programa para sa pag-ahon ng Malabon at ng mga residente nito. Lagi ko hong sinasabi sa inyo na bukas ang aking opisina para sa kahit na sinumang Malabueño na nangangailangan ng tulong, magtungo lang po sa amin tanggapan. Patuloy po tayo sa pagpapatupad ng mga programa para sa inyo at asahan ninyo kami ay handing umagapay at siguruhing mabuti at maganda ang pamumuhay dito sa ating lungsod,” ani Mayor Jeannie.
Sinabi naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete, ang partnership ay magbibigay-daan sa lokal na pamahalaan na makakuha ng P3 bilyong pautang mula sa DBP, para magamit sa mga proyektong pang-imprastraktura at matugunan ang iba’t ibang isyu kabilang ang informal settlement, iligal na pagparada ng mga sasakyan, at kakulangan ng mga pasilidad sa ospital.
Si Mayor Jeannie na kamakailan ay pinangalanan ng RP Mission and Development Foundation, Inc. bilang Top Performing NCR Mayor (batay sa kanilang survey noong Marso 18-24), ay nagpasalamat sa DBP sa pagtitiwala sa kanyang epektibong pamumuno at nangako ng pautang na ipinagkaloob sa pamahalaang lungsod na gagamitin sa mga proyektong makakatulong sa pagtugon sa iba’t ibang alalahanin ng mga Malabueño.
Bilang bahagi ng misyon ng pamahalaang lungsod (Walang Maiiwan, Malabon Ahon!), layunin ni Mayor Jeannie na bawasan ang bilang ng mga informal settler na pamilya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga proyektong pabahay kabilang ang mid-rise housing projects sa Sisa Exit (88 housing units) at Paladium Street (220 units) sa Barangay Tinajeros para bigyan ang mga residenteng nakatira malapit sa mga danger zone sa lungsod ng kanilang mga tahanan na mas ligtas, at maayos.
Kabilang pa sa mga iminungkahing proyekto ang pagtatayo ng isang limang palapag na multi-purpose na gusali na may deck sa Barangay Tañong, ang extension building ng Ospital ng Malabon upang payagan ang health facility na mag-alok ng mas maraming libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga residente; isang apat na palapag na parking building malapit sa City Hall at pagtatayo ng Malabon Sports and Convention Center.
Ibinahagi ng DBP na ang ASENSO Program ay naglalayong pondohan ang pagtatayo at pagpapanatili ng mga kalsada, tulay, at iba pang kritikal na imprastraktura na magpapadali sa kalakalan at transportasyon; mapabuti ang mga serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng paglalaan ng mga pondo para sa kalusugan, edukasyon, at mga proyekto sa pabahay.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA