December 23, 2024

MMDA NAGSAGAWA NG CLEARING OPERATION SA MAYNILA

Pinaghahatak ng mga tauhan ng MMDA ang ilang obstruction sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard o Road 10 sa Maynila kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga nasampolan at nilagay sa impounding truck ang ilang kariton at kolong-kolong na ilegal na nakapwesto sa daan at bangketa.

Isang unattended na L300 van ang hinatak dahil nakaparada sa mismong sidewalk.

Inisyuhan ng ticket ang mga ambulansya ng Brgy. 20 dahil ipinarada lang sa mismong gilid ng kalsada.

Nasita rin ang ilang junk shop na sa mismong sidewalk nagpwesto ng gamit at nagsasagawa ng trabaho. Hindi naman kinuha ang kanilang gamit pero pinagsabihang kukumpiskahin sa susunod na mahuli.

Hindi rin nakaligtas ang tanggapan ng Brgy. 44 na pinatanggal ang trapal na sumasakop na ang sidewalk.

Depensa naman ni Barangay Chairman  Arminda Due, nagsisilbing silungan ang trapal kapag maulan at first aid station kapag may emergency.

Pagliko naman ng tropa ng MMDA sa Moriones Street, ilang tricycle  ang na-impound dahil ilegal na nakaparada.

Nasita rin ang ilang tindero ng gulay at karinderya dahil sa mismong sidewalk na nakapuwesto ang mga paninda.

Pinaliwanag ni 5MMDA Special Operations Strike Force officer-in-charge Gabriel Go na bawal ang pagtitinda o pagparada ng sasakyan sa mga sidewalk dahil daanan ito ng tao.

Delikado aniya ito dahil walang magiging choice ang pedestrian kundi dumaan sa mismong kalsada na daanan ng mga sasakyan kung okupado ang mga sidewalk.

Dadalhin sa MMDA impounding site sa Tumana, Marikina ang mga nahatak na kariton at iba pang obstruction.