April 12, 2025

Miyembro ng criminal gang, tiklo sa pagbebenta ng baril

SWAK sa kulungan ang 32-anyos na miyembro ng isang grupong kriminal nang pagbentahan ng hindi lisensiyadong baril ang pulis na nagpanggap pa buyer sa Valenzuela City.

Sinampahan ng pulisya ang suspek na si alyas “Weng”, ng Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen. T. De Leon ng kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 881 o ang Omnibus Election Code sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, positibo ang natanggap na impormasyon ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) hinggil sa pagbebenta umano ng hindi lisensyadong baril ng suspek.

Agad ikinasa ng ng mga operatiba ng SIS ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Mark Angelo Bucad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek dakong alas-4:55 ng madaling araw sa isang bakanteng lote sa San Francisco St. Brgy. Karuhatan.

Nakumpiska sa kanya ang isang 1911 kalibre .45 pistol na may isang magazine, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 20 pirasong P1,000 boodle money, cellphone at sling bag.

Ayon kay Col. Cayaban, miyembro ng Monsanto Criminal Group na sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen si alyas Weng, na nagpapakilala bilang balloon decorator.