December 24, 2024

Miyembro ng criminal gang, arestado sa Caloocan

DINAMPOT ng pulisya ang isang miyembro ng grupong sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen matapos bintahan ng baril ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa entrapment operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section kaugnay sa ilegal na pagbebenta ng baril ng suspek na si alyas “Tangkad”, 43, na walang kaukulang dokumento kaya isinailalim siya sa validation.

Nang positibo ang report, ikinasa ng mga tauhan ni Col. Lacuesta ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Phase 12, Riverside, Brgy. 188, Tala nang tanggapin ang P2,500 na markadong boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng caliber .38 Armscor revolver na may dalawang bala.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na miyembro ng “Dacallos Criminal Gang” na sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen, hindi lang sa Caloocan kundi sa karatig lungsod at lalawigan, si alyas Tangkad.

Sasampahan ng inisyal na kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang suspek habang inaalam pa ang ilang mga nakabimbin na mga kasong kriminal sa hukuman na kinasasangkutan ng kanyang kinaaanibang grupo.