November 23, 2024

‘Misteryosong’ Meralco billings dapat ipaliwanag

HINILING nina Senador Imee Marcos at Senador Nancy Binay sa Manila Electric Company (Meralco) na magbigay ng malinaw na paliwanag kung papaano na-compute ang singil sa kuryente sa panahon ng umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at karatig probinsya.

Sa isinagawang public hearing ng Senate Committee on Energy, iginiit nina Marcos at Binay na masyadong nakakagulat ang biglaang pagtaas ng triple ng bills ng Meralco simula nang ipatupad ang lockdown noong Marso.

‘Humihingi tayo ng mas malinaw na pagkaklaro sa sistema ng Meralco sa inilabas na billings dahil nag-aalburuto ang mga customer sa sobrang taas ng kanilang kuryente,” ayon kay Marcos

Giit ng dalawang Senadora naguguluhan at masyadong nakalilito ang paniningil ng Meralco na ibinatay lang anila sa pagtaya dahil wala naman silang tauhan na nagbasa ng metro sa gitna ng quarantine.

“How would we know if overestimate or underestimate yung nangyari when it is not stated on the bill? Tingin ko doon tayo magkakaproblema dahil as a consumer, hindi kami nakakasiguro kung anong buwan ba kayo nag-overestimate o nag-underestimate sa computation ng bill,” ayon kay Binay.

Giit ni Meralco President and CEO Ray Espinosa na ang singil sa kuryente ay base sa average consumption mula noong December 2019 hanggang February 2020 dahil hindi nakapagsagawa ng actual meter reading noong March at April matapos isailaim sa ECQ ng buong Luzon.