December 24, 2024

Mister na sinita sa paninigarilyo, kalaboso sa baril

BAGSAK sa kulungan ang isang mister nang mabisto ang dalang baril makaraang masita ng mga pulis dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Caloocan City Police kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station (SS-2) sa 3rd Avenue BMBA, Brgy., 120 nang makita nila ang isang lalaki na nagyoyosi dakong alas-11:25 ng gabi na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Nang lapitan nila ito para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay biglang kumaripas ng takbo ang suspek para  tumakas kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang makorner.

Nakumpiska sa 42-anyos na suspek ang isang caliber .22 revolver na kargado ng dalawang bala at nang wala siyang naipakitang mga papeles hingginsa legalidad ng naturang baril at binitbit siya ng mga pulis.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Art. 151 of RPC at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.