TULUYAN ng kinuha ni kamatayan dahil sa atake sa puso ang isang mister na ilang ulit nagtangkang magpakamatay dulot ng matagal ng nararanasang karamdaman sa Malabon City.
Malinaw sa isinumiteng ulat ni P/SSg Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na hindi ang ginawang pananaksak sa sarili ang ikinasawi ng 50-anyos na biktima kundi atake sa puso.
Sa imbestigasyon ni Sgt. Nalogoc, isinugod sa Tondo General Hospital ang biktima ng kanyang 45-anyos na misis at anak, sa tulong ng ambulansiya ng Barangay Dampalit matapos matagpuang duguang nakahandusay sa silid at may nakabaong patalim sa kanyang tiyan.
Kaagad namang nilapatan ng lunas ng mga doktor ang tinamong sugat ng biktima subalit dakong alas-7:15 ng gabi nang idineklara siyang patay ng kanyang attending physician sanhi ng atake sa puso.
Nilinaw rin ng mga doktor sa pamilya ng biktima na walang kinalaman ang ginawang pananaksak ng mister sa kanyang sarili sa naging kamatayan nito dahil naging maagap ang paggamot sa sugat niya.
Sa pahayag ng misis ng biktima sa pulisya, matagal na aniyang dumaranas ng depresyon ang kanyang mister dahil sa panghihina o pagpalya ng puso kaya’t ilang ulit na rin siyang nagtangkang magpakamatay subalit naaagapan naman nila. Hiniling ng pamilya ng biktima sa pulisya na lumagda sa isang waiver na huwag ng magsagawa ng imbestigasyon dahil naniniwala sila na walang foul play sa pagkamatay ng kanilang padre-de-pamilya kaya ikinokonsidera ng pulisya na nila na sarado na ang kaso.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA