January 29, 2025

Mister, isinelda sa baril sa Caloocan

TIKLO ang isang lalaki matapos maaktuhan ng mga nagpapatrulyang kapulisan habang sinusuri at hinihimas pa ang hawak ng baril sa Caloocan City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang suspek na si alyas ‘Wilfredo’, 45.

Ayon kay Col. Canals, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 13 sa Phase 7C Bagong Silang, Brgy. 176C, nang matiyempuhan nila ang suspek na seryosong sinusuri at hinihimas pa ang hawak ng kalibre .38 Armscor revolver na may serial number 931048 dakong alas-6:20 ng umaga.

Nang hanapan ng kaukulang dokumento ang suspek sa pag-iingat at pagdadala sa labas ng bahay ng naturang armas, walang maipakita si ‘Wilfredo’ kaya agad siyang inaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 13 at kinumpiska ang baril na kargado ng dalawang bala sa chamber.

Sinabi ni Col. Canals, mahigpit ang kanyang direktiba sa kanyang mga tauhan ang pagsasagawa, hindi lamang ng checkpoints sa mga istratehikong lugar kundi ang magdamagang anti-criminality foot patrol upang matiyak ang katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupang lugar,

Sasampahan ng mga tauhan ng SS13 ang suspek ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at paglabag sa Omnibus Election Code sa Caloocan City Prosecutor’s Office.