ARESTADO ang 39-anyos na ginang na nasa likod umano ng pagpatay sa kanyang asawang negoyante na isang Pakistani national nang matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong akusado na si alyas “Jenna” at residente ng South Balintawak sa Quezon City.
Lumabas sa imbestigasyon na pinagbabaril ang dayuhan ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo na nagpanggap na customer sa loob mismo ng kanyang resort sa Brgy. Payumo, Dinalupihan, Bataan noong nakaraang taon.
Nakatakas ang mga suspek subalit sa pagsisiyasat ng pulisya, natuklasan na ang mismong may-bahay niyang Pinay na si alyas Jenna ang nasa likod ng pamamaslang.
Ang akusado ay nakatala bilang Top 4 Most Wanted Female Fugitive ng Police Regional Office (PRO) 3 kaya nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Valenzuela Police Intelligence Section (SIS) na madalas siyang mamataang nagtutungo sa Brgy. Maysan, agad ikinasa nila ang operasyon.
Katuwang ang mga tauhan ng Dinalupihan Police Municipal Station, Bataan Provincial Police Office, at Regional Intelligence Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO), inaresto ng mga operatiba ng SIS si ‘Jenna’ sa Maysan Road, Brgy. Maysan alas-2:50 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Pebrero 13, 2024 ni Dinalupihan, Bataan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Lourdes Eltanal Ignacio ng Branch 5 para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
“This is a significant step in ensuring justice for the victim and his family. The apprehension of Jenna demonstrates our relentless pursuit of wanted criminals, regardless of the time that has passed or where they attempt to hide. The joint forces involved in this operation are to be commended for their dedication and coordination,” pahayag ni P/Col. Cayaban.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA