November 24, 2024

MGCQ SA MARSO INIREKOMENDA NG METRO MANILA MAYORS

SA kabila ng mga babala mula sa mga dalubhasa sa kalusugan, pumayag na umano ang  mayorya sa mga alkalde sa Metro Manila na isailalim na ang rehiyon sa modified general community quarantine (MGCQ) sa buwan ng Marso.

Ayon kay Navotas Mayor Toby Tiangco, sa naganap na pulong kagabi, siyam na mga mayor ang bumoto pabor sa MGCQ, habang walo naman sa general community quarantine (GCQ).

Ang resulta rin aniya ng botohan ang magiging opisyal na posisyon ng Metro Manila Council na isusumite sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), na siya namang magrerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang kondiserasyon.

Kuwento ni Tiangco, nangyari ang botohan matapos pakinggan ng mga alkalde ang paliwanag ng mga economic managers sa kahalagahan ng pagpapatupad ng MGCQ upang mapasigla ang ekonomiya ng bansa na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Kasama rin sa pulong ang mga opisyal mula Department of Trade and Industry (DTI) at National Economic and Development Authority (NEDA). Una nang sinabi ni acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na ang mungkahing ilagay na sa pinakamaluwang na community quarantine classification ang bansa ay upang mabawasan ang pagkagutom sa mga lugar na nasa ilailim pa rin ng mahigpit na lockdown