HINIKAYAT ng pamunuan ng Archbishop of Manila ang lahat ng Simbahang Katolika na sundin ang kautusan ng pamahalaan na nagbabawal sa pagtungo sa mga sementeryo sa bansa mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 ngayong taon.
Sa kanyang pinalabas na Pastoral Instruction: One With Our Beloved Dead,” pinaliwanag ni Broderick Pabillo na Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila na maaari na ang relasyon sa mga yumao ay hindi na materyal kundi spiritual, na ang pagbisita sa mga libingan tuwing Undas ay upang alalahanin at ipanalangin ang mga yumao.
Paalala ni Bishop Pabillo, ang pag-alala at pagpapanalangin sa mga yumao ay maaari aniyang gawin bago sumapit ang Oktubre 29 at pagkatapos ng Nobyembre 3 upang maiwasan ang malaking crowd sa ipinagbabawal na petsa.
Sa Nobyembre 1 at 2, hinimok ng Obispo ang mga mananampalataya na magsimba at mag-alay ng misa para sa mga yumaong mahal sa buhay, na dito ang Holy Eucharist aniya ang pinakamainam na panalangin na maiaalay sa mga mahal na yumao.
Sinabi ng Obispo na sa mga nasabing petsa ay magsasagawa ng maraming misa sa mga simbahan upang makapasok sa loob ng simbahan ang maraming mananampalataya at sumusunod sa physical distancing.
Maglalaan din aniya ng lugar sa mga simbahan para sa pagsisindi ng kandila na alay sa mga yumao.
Hinggil sa mga yumao sa nakalipas na anim na buwan ng pandemic na isinalang sa cremation, ipinaalala ni Bishop Pabillo na hindi dapat manatili o itago sa tahanan ang urn na naglalaman ng mga abo ng mga yumaong sinunog ang mga katawan. Payo ni Bishop Pabillo, kailangang ilibing ang urn sa columbarium, sa sementeryo o sa simbahan.
More Stories
LEO FRANCIS MARCOS, INATRAS KANDIDATURA
Galvez sa MILF: Magsagawa ng imbestigasyon… 4 PATAY KABILANG ANG 2 SUNDALO, 12 IBA PA SUGATAN SA PANANAMBANG SA BASILAN
CIDG ‘KOLEKTONG ISYU’ MATULDUKAN NA KAYA?