January 21, 2025

MGA TUMULONG SA PAGTATAGO NI QUIBOLOY, KAKASUHAN – DILG

INIHARAP sa media ni DILG Sec. Benhur Abalos at PNP Chief PGen Francisco Marbil kasama si PBGen Nicolas Torre si KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy at iba pang akusado sa isang press conference sa Camp Crame sa Quezon City, nitong Setyembre 9, 2024. (Kuha ni ART TORRES)

INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nitong Lunes na sasamphan ng kaso ng mga awtoridad ang mga indibidwal na sadyang iniligaw ang paghanap kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

Sa isang press conference, sinabi ni Abalos na nadiskubre ng mga awtoridad na nagtatago si Quiboloy sa loob ng KOJC compound sa Davao City matapos siyang mahuli nitong Linggo.

“Ito lang ang babala ko. With all these things na nangyari, I’m sure someone should be guilty of obstruction of justice for harboring, concealing someone who is wanted,” ayon kay Abalos.

“Sabi nga ni chief maraming panlilinlang lang na ginawa. Pangalawa, ang publiko mismo ang testigo rito kung papaano ilang beses kaming pinigilan, si General Torre…We should investigate this and those guilty should be sued accordingly,” dagdag niya.

Una nang sinabi ng PRO 11 na 29 na miyembro ng KOJC ang nasampahan ng kaso matapos masaktan ang 60 pulis na magsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy.

Ayon kay PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Ray, kasong obstruction of justice at direct assault ang isinampa laban sa KOJC members.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), sumuko si Quiboloy matapos siyang bigyan ng ultimatum na isuko ang sarili sa loob ng 24 oras, kung hindi papasukin ng mga awtoridad ang isang gusali sa KOJC compound.

Nagsimula ang negosasyon dakong alas-1:30 nitong Linggo.

Sumuko si Quiboloy sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) dakong alas-5:30 ng hapon. Hawak na rin ng gobyerno sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Crisente Canada, Syliva Cemañes.

Dinala si Quiboloy sa Camp Crame sa Queon City dakong alas-9:10 ng gabi.

Ayon kay KOJC legal consel Atty. Isarelito Torreon, nagpasyang sumuko si Quiboloy sa mga pulis at militar upang mahinto ang “lawless violence” sa KOJC compound.

“He could not bear to witness a second longer the sufferings that his flock was experiencing for many days,” dagdag niya.

Naglabas ng arrest warrant laban kay Quiboloy at sa iba pa dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act gayundin ang qualified human trafficking.

Si Quiboloy ay hinatulan ng federal grand jury sa US District Court for the Central District of California dahil sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud at coercion; sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud at coercion at iba pa.