Nagpalabas ng temporary restraining order ang Supreme Court (SC) nitong Martes laban sa pinaiiral na no-contact apprehension program (NCAP) ng limang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Ang NCAP ay sistema ng panghuhuli sa mga lumalabag sa batas trapiko gamit ang high-definition CCTV na may laser tracking technology na nakakabit sa mga piling kalsada ng ilang siyudad sa National Capital Region.
Inangalan ito ng mga motorista at mga tsuper ng pampublikong sasakyan dahil sa laki ng pinapataw na multa sa NCAP at kawalan ng sistema na makapagpaliwanag o makontra ng tsuper ang kanilang paglabag umano sa batas trapiko o ordinansa ng lungsod.
Sa En Banc meeting ng SC nitong Martes, inaksyunan ng mga mahistrado ang petisyong inihain ng grupong KAPIT, Pasang Masda, ALTODAP, ACTO at isang Atty. Juman Paa.
Itinakda ng SC ang oral arguments sa Enero 24, 2023 at mahigpit na ipinagbawal ang panghuhuli gamit ang NCAP habang wala pang pasya ang korte.
Sa petisyong inihain ni Atty. Paa noong Agosto 17, binanggit nito na siya ay pinagmumulta ng P20,000 sa mga traffic violation umano sa Maynila. Masyado umanong mataas ang multang pinapataw ng Maynila kumpara sa Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nalabag din umano ang kanyang right to privacy dahil nabuyangyang sa website ang mga personal na impormasyon tungkol sa pangalan ng may-ari ng sasakyan, address at iba pang detalye. Noong Agosto 18, naglabas ng joint statement ang mga alkalde ng Maynila, Parañaque, Valenzuela, Quezon City at San Juan sa pagpapatuloy ng NCAP.
Nagpaliwanag naman si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na bagaman nakipagkasundo ang dating administrasyon sa kompanyang magpapatupad ng NCAP, hindi pa ito pormal na ipinapatupad sa kanilang siyudad.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA