Kinundena ng mga grupo sa transportasyon sa pangunguna ng No To PUV Phaseout Coalition Panay ang panggigipit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 6 sa mga tsuper at opereytor na lumahok sa tigil-pasada noong Hulyo 24.
Ipinatawag ng LTFRB Region 6 ang mga tsuper para sa isang pagdinig noong Agosto 4 sa opisina nito sa Quintin Salas, Jaro, Iloilo City kaugnay ng tigil-pasada.
Sinabayan ng mga tsuper ng protesta ang pagdinig. Iginiit nila ang pagbabasura sa “show cause order” ng ahensya. Anila, ang panggigipit sa mga tsuper na lumahok sa tigil-pasada ay paglabag sa kanilang demokratikong mga karapatan.
Itinaon ng No To PUV Phaseout Coalition Panay ang kanilang tigil-pasada noong Hulyo 24 sa ikalawang State of the Nation Address ni Marcos Jr. Iginiit nila ang pagbabasura sa sapilitang konsolidasyon o pagpapapasok sa isang kooperatiba sa mga tsuper at opereytor.
Ayon sa mga tsuper at opereytor, malulugi sila sa ganitong iskema at kikita lamang ang malalaking korporasyon at negosyo na mangunguna sa konsolidasyon. Hindi lamang mga tsuper ng tradisyunal na dyip ang lumahok sa tigil-pasada kundi maging ang mga drayber ng modernong dyip.
Ayon pa sa mga drayber, marami sa kanilang hanay ang nakaramdam na pinilit o nilansi silang pumasok sa isang kooperatiba ng modernong dyip. Ipinangako sa kanilang makakatanggap ng ₱500 kada araw o ₱15,000 kada buwan bilang bayad sa kanila, subalit matapos ang apat na taon ay hindi pa nakatatanggap ng kahit isang sentimo.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW