December 24, 2024

Mga Tip sa Buhay-Malaya

KUNG dumating sa punto na isang araw magising ka na naglaho sa mundo ang mga gadgets, kabilang ang smart phone, ano ang magiging reaksiyon at gagawin mo? Maiinip? Malulungkot? O magwawala??

Naging bahagi na ng kultura at galaw ng katawan ang smartphones.  Kahit nakasakay sa mga pampublikong sasakyan, tiyak na babalik at uuwi kapag naiwan ang telepono. Ganoon kahalaga ang cellphone ngayon.

Tila kulang ang bawat sandali kapag hindi hawak at ginagamit ang gadget.

Kung naghahanap ka ng isang libangan o gawain na may mabuting benepisyo at makatitipid, hindi man libre, marahil ito ang maimumungkahi bilang tips sa mga naunang tanong sa itaas:

* Matulog

Sa pagdating ng mga smartphones at wifi/data, nadagdagan ang bilang ng mga nagpupuyat. Sa kabilang panig na walang gadgets, paniguradong magaan ang pakiramdam dahil mahaba at kumpleto ang walong oras na tulog.

* Mag-ehersisyo

Malaking tulong ito upang mapalakas ang resistensya, mapagpawisan upang mailabas ang toxic na kemikal ng katawan, at sa pagpapabuti ng normal na daloy ng dugo.

* Magsulat

Higit na mas malalim ang dating kung ang mensahe ay isinulat sa papel at ipinadala sa post office ang love letter mo kay crush. Hindi man kagandahang hitsura, tiyak na maaantig ang damdamin at magkakaroon ng pag-asa sa kanya kahit papaano.

* Magluto ng sarili

Mas panatag at payapa ang buhay kung ang pagkain ay hindi na kailangan pang gawing istilo katulad ng Instagrammable.

* Magbasa

Iba pa rin ang lebel at pakiramdam kung literal mong hawak at binabasa ang libro. Ayon sa pag-aaral, totoong nakakabawas ng stress, nagiging maayos ang tulog, at malikhain ang isip ang pagbabasa.

* Magpinta/gumuhit

Bago pa mauso ang mga apps ng sketchbook at paper color, mayroon ng coloring book at canvas. Isa ang pagpipinta at pagkukulay sa pinakamabisang pantanggal ng stress.

* Manood ng sine/teatro

Iba rin ang karanasan kung manonood sa mismong mga sinehan o teatro. Mas malawak ang nakikita kung ihahambing sa limitadong espasyo ng lcd ng gadget.

* Pagmasdan ang mga lumang photo album

Magandang pagkakataon na balikan at tingnan ang mga nagdaang litrato sa photo album. Masayang isipin kung paano nabuhay noon, manamit, libangin, istilo ng buhok, at iba pa.