January 23, 2025

Mga residente sa Pag-asa Island nanindigan para depensahan ang soberanya ng ‘Pinas

“Hindi kami aalis dito. Sa amin ito,” ito ang matapang na pahayag ni Maribel Belono, residente ng Pag-asa Island sa munisipalidad ng Kalayaan, Palawan.

Unang nakatungtong sa isla si Belono, 49, noong 2002.  Hangad lamang niyang bumisita sa lugar. Subalit hindi niya lubos na akalain na dalawang dekada na pala siyang naninirahan ngayon sa nasabing lugar.

Bagama’t regular nang nakikita ang naglalakihang mga  barko ng China, hindi sumagi sa kanyang isip na lisanin ang Pag-asa Island at manirahan sa ibang lugar.

Ganito rin ang kaso ng guro na si Kathleen Acosta, 27, na itinalaga ng education department para magturo sa Pag-asa noong 2023. Para sa kanya hindi mahirap ang ginawa niyang desisyon dahil itinuturing niya ito na isang “misyon.”

 “Paninindigan po siya na dapat ‘pag sa atin, dapat ipaglaban. At isa na rin po rito na kapag may civilian dito ay mapapatunayan na ang isla na ito ay para sa mga Pilipino. Hindi para kung kanino, kundi para sa mga Pilipino na nakatira rito sa isla,” ani Acosta.

Matatagpuan ang Pag-asa Island na 300 milya ang layo sa mainland  ng Palawan. Sa siyam na  land features na kontrolado ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ito lamang ang tinitirhan ng mga sibilyan. Kaya naman mahalaga sa pagigiit ng hurisdikasyon ng Pilipinas sa contested area.

Noong Mayo 16, pinangunahan ni Senate President Migz Zubiri ang ground breaking ceremony ng konstruksyon ng naval barrack at super rural health unit. Inaasahan na ang naturang konstruksyon ay magpapalakas sa military presence ng bansa sa lugar.

Kasama ni Zubiri si Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. Aniya, mahalaga ang presensiya ng mga sibilyan sa lugar sa paggiit sa soberanya ng Pilipinas.

“Kailangan po natin ang civilian dito because this is for them. This is not just purely for military purposes. ang beneficiary nito ay civilians. Ang resources, ating undersea and subsea resources, para sa inyong lahat. So importante po may civilians dito,” saad ni Teodoro.

Ayon sa mga residente, binibigyan ng subsidiya ng gobyerno ang kanilang pamumuhay sa isla. Nakakatanggap sila ng suporta tulad ng grocery items kada ika-15 at ika-30 ng buwan.

Mismong sina Zubiri at mga opisyal ng gobyerno ang saksi sa ginagawang pagiging agresibo ng China. Hindi pa man nakakalapag ang kanilang sinasakyang eroplano, nakatanggap agad sila ng “verbal challenges” mula sa Chinese patrols.

Ito ang nakagawian ng mga Chinese patrol na ipinakalat sa buong West Philippine Sea. Nagpapadala sila ng radio challenges para sa mga paparating na Philippine aircraft at vessels upang sila’y tabuyin.

Nagngitngit siya sa galit sa isyu sa West Philippine Sea. Simula nang pumasok ang Marcos administration, naging vocal na siya laban sa pangha-harass ng China hanggang sa dumating ang puntong na kinuwestiyon ang kontrata ng gobyerno sa Chinese state firms. Siya ang co-authored ng resolusyon na inihain ni Deputy Minoroty Leader Risa Hontiveros na mariing kinokondena ang pagiging agresibo ng China sa lugar. Umapela rin siya sa world legislators na tumindig para sa Pilipinas dahil sa patuloy na pambu-bully ng China. “Galit ako sa bully. Siguro lahat ng tao galit sa bully. You know China has been overstepping its boundaries in the West Philippine Sea,” ani Zubiri sa isang panayam noong 2023.