December 24, 2024

MGA RESIDENTE SA ‘EMBO’ ‘DI MAKAKABOTO NG CONGRESSMAN SA 2025 – COMELEC

INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na  maari nang bumoto sa 2025 elections ang mga residente ng 10 barangay mula Makati na nailipat sa Taguig kasunod ng naging desisyon ng Supreme Court, subalit hindi makakaboto para sa congressional race.

Nakarating na ang naturang desisyon sa Commission en Banc sa kanilang pagpupulong kamakailan lang, ayon kay Comelec Chairman Erwin Garcia.

“Hanggang sa kasalukuyan, hindi po alam ng Comelec kung saang distrito kayo sa dalawang distrito ng Taguig kabilang… Sapagka’t wala pong kapangyarihan ang Comelec na gawin ‘yun, ang may kapangyarihan na magsabi kung anong mga barangay ang nasa isang distrito ay Kongreso,” paliwanag ni Garcia.

Nilikha ang dalawang distrito bago ang naging desisyon ng Supreme Court na naghiwalay sa EMBO areas sa Makati, giit ng Comelec chief.

“Kaya po hindi po kayo makakaboto para sa inyong representante o congressman,” ani Garcia.

Nilinaw ni Garcia na maari pa ri namang bumoto ang EMBO voters para sa national, mayoralty, vice mayoralty at city council candidates.

Samantala, sinabi ni Garcia na ang tatlong natitirang barangay sa Makati na kumakatawan sa second district ng lungsod ay maari pa ring bumoto kahit kaunti lamang ang botante sa distrito.

Sinabi ni Garcia na nagpasya ang Comelec na gumawa ng naturang desisyon upang bigyan ng panahon ang mga kinauukulang partido na kwestiyunin ang legalidad ng kanilang desisyon o para aksyunan ng Kongreso ang usapin.