April 1, 2025

Mga residente, nagpapasaklolo kay CIDG Chief General Nick Torre at Batangas City Mayor Beverley Dimacuha na palayasin ang operasyon ng “Paihi” Petrolyo

PANAHON nanaman ngayon ng “Fire Prevention Month” ang ibig sabihin ay dapat tayong mag ingat sa sunog ika nga sa kasabihan “di baleng manakawan ka huwag ka lang masunogan ng bahay at mga ari-arian”, marahil ang katagang ito ang gumagambala sa isipan ng mga residente ng Barangay Banaba South sa Lungsod ng Batangas, dahil kabi-kabila ang mga insidente ng malalaking sunog sa iba’t ibang dako ng Metro Manila at mga karatig probinsya.

Ayon sa isang residente sa Barangay Banaba South na ayaw magpakilala na nagpadala sa inyong lingkod ng ilan mga kuhang larawan ng isang lote na hinihinalang pugad umano ng operasyon “paihi” ng mga petroleum products at Liquified Petroleum Gas o (LPG) na minamantineng operasyon ng dalawang “magnanakaw” ng petrolyo na sina alyas “Mar Villanueva” at alyas “Dodong Pagsanjan”, natatakot umano sila na baka pagsimulan ng isang malakas na pagsabog ang lote ng “paihian” ng dalawang personalidad na ating nabanggit dahil sa tuwing sa tuwing may operasyon ng pagnanakaw ng petrolyo ang mga tauhan nina Villanueva at Pagsanjan na puro may sukbit na baril at namumula ang mga mata ay amoy sa kanilang buong barangay ang masangsang na amoy ng mga gasolina at diesel gayun din ang LPG,  ikinababahala din ng mga residente na pagsimulan ito ng malaking sunog at matulad sa nangyari sa bayan ng San Pascual, Batangas na sumabog ang mga drum na pinaglagyan ng mga ninakaw na petrolyo na nagkakahalaga ng 14 Milyon Piso nuon nakalipas na buwan ngayon taon dahil gumagamit ng iligal na droga di umano ang mga nagbabantay na hinala ng mga miron na ating napagtanungan ay posibleng pag-a-ari din nila Mar Villanueva at tandem nito na si Dodong Pagsanjan.

Tali din umano ang mga kamay nina Batangas Police Provincial Director, Colonel Jacinto “Jack” Malinao, Batangas City Chief Police Lt.Colonel Ira Morillo, at CIDG Batangas Provincial Field Unit, Lt.Colonel Jake Barilla, sa operasyon ng dalawang “Paihi King” dahil ipinagmamalake umano nina Villanueva at Pagsanjan ang hatag nilang “Payola de Intelihensya” na ibinibigay sa nagpapakilalang kolektor ng CIDG Batangas na si alyas Sgt. Bascon, at ipinagmamalake din ng dalawa ang pangalan ni CIDG Chief Major General Nicolas Torre III, na kanila umanong kaibigan subalit duda po dito ang inyong lingkod sa boladas ng dalawang “kamote” na sina Villanueva at Pagsanjan,kung sakaling kilala nga nila si General Torre? Dahil hindi papayag si General Torre na dalawang magnanakaw ng petrolyo lamang ang sisira sa kanyang malinis na pangalan at pagiging kandidato bilang susunod na PNP Chief ng Pambansang Pulisya.

Panawagan ng mga residente sa iginagalang at matapang na si General Nick Torre at Batangas City Mayor Beverley Dimacuha, na agad aksyunan at palayasin ang delikado at mapanganib na operasyon sa Banaba South, dahil kahilera lamang umano din ito ng isang Integrated School at mga legal na gasolinahan na posibleng madamay sa hindi maiiwasang disgrasya na dulot ng ginagawang pagnanakaw ng petrolyo sa lugar.

Hinala naman ng mga residente posibleng may natatanggap din na “Payola De Intelihensya” ang ilan Barangay Officials sa Banaba South kaya’t pikit mata at hindi nila alintana ang mga reklamo ng kanilang mga residente at sa panganib na dala ng iligal na “paihian” nina alyas Mar Villanueva at Dodong Pagsanjan……abangan ang kasunod nating expose. (KOI HIPOLITO)