November 3, 2024

MGA PULIS NA NAGPATUPAD NG MAXIMUM TOLERANCE AT UMARESTO SA ABUSADONG MOTORISTA PINURI NI ELEAZAR

Pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang mga pulis sa Muntinlupa City na nagpakita ng propesyunalismo sa kabila ng pagmumura at pangiinsulto sa kanila ng isang motorista.

Batay sa inisyal na ulat rumesponde ang mga pulis sa isang sitwasyon sa Tunasan, Muntinlupa City kung saan nakaharang sa kalsada ang sasakyan ng motoristang si Franz Orbos.

Sa naging viral video ng insidente na nagviral online, ipinapakita na nang lapitan ng mga pulis si Orbos ay pinagsisigawan, minura at hinamon pa niya ang mga ito. Nabatid na nasa ilalim ng impluwensya ng alcohol si Orbos nang mga oras na iyon.

Bagaman naging mahihon ang mga tauhan ng Muntinlupa City police, nanatili si Orbos sa kaniyang paninigaw at pagmumura. Makikita sa video ang paggigiit na wala siyang ginagawang masama at patuloy sa pagpalag habang siya ay nakaposas.

Pinapurihan ni Eleazar ang mga pulis dahil sa ginawang tamang pagpapatupad ng batas dahil sa pagoobserba ng maximum tolerance “I commend the policemen who were verbally abused by the motorist for staying professional and keeping their tempers in check.”

“Napanood ko na ang viral video ng isang nagwalang motorista sa Muntinlupa at pinupuri ko ang mga pulis na nasa video sa pagpapakita ng tunay na kahulugan ng maximum tolerance,” wika ni PGen Eleazar.

 “Parang telenobela lang pero ganitong klaseng sitwasyon ang laging hinaharap ng inyong kapulisan sa mga lansangan, mga taong hindi marunong rumespeto sa batas dahil pakiramdam nila ay hindi sila sakop ng batas,” punto pa niya.

Ayon pa kay PGen. Eleazar na sasampahan ng iba’t ibang kasong kriminal si Orbos kabilang na ang Alarm and Scandal, Resistance & Disobedience to a Person in Authority or Agents, at Direct Assault.

“Ang angkang pinagmulan at ang estado sa buhay ay hindi dapat gamitin upang bastusin ang batas at apakan ang karapatan ng iba. That is why I salute those policemen for showing who the better persons are,” saad ni  PGen Eleazar.

 “Kapag binastos mo ang batas at ang mga nagpapatupad nito, sisiguraduhin namin na mananagot ka kahit sino ka man o sino pa ang tatay mo. Dahil naniniwala ako na walang matinong magulang ang magkukunsinti sa ganitong klaseng asal ng mga anak,” pagtatapos pa ng PNP Chief. (KOI HIPOLITO)