January 23, 2025

Mga programa sa hinaharap, tinalakay sa pulong ng Valenzuela CDC

TINALAKAY sa isinagawang pagpupulong ng Valenzuela City Development Council (CDC) sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ang kalagayan at progreso ng kasalukuyang mga proyekto saka balangkasin ang mga programa sa hinaharap para sa patuloy na socio-economic development ng lungsod.

Si Mayor WES, kasama si City Engineering Office head, Engr. Reynaldo Sunga, ay nagbigay ng update sa katayuan ng mga kasalukuyang inisyatiba ng lungsod at naglatag ng detalyadong plano para sa mga proyektong pang-imprastaktura sa hinaharap.

Ang pagpupulong ay nagsilbing daan upang matiyak na ang direksyon ng lungsod ay nananatiling sustainable partikular sa mga tuntunin ng physical infrastructures at ang kontribusyon nito sa paglago ng socio-economic.

Kabilang sa mga pangunahing tampok ay ang paglaan ng 2025 City Development Fund, na mula sa 20% ng National Tax Allocation ayon sa mandato ng Republic Act 7160. Sa halagang P474,564,630.00, ang pondo ay gagamitin sa iba’t ibang programa, kabilang ang ikalawang phase ng Valenzuela Children’s Park sa Barangay Malinta na may budget na P13,300,000.00, at ang paglalagay ng mga streetlights sa iba’t ibang kalsada sa lungsod na may kabuuang halaga na P5,064,630.00. Ang mga proyektong ito, kasama ang iba pa ay bahagi ng pagsisikap ng lungsod na pagandahin ang mga pampublikong espasyo upang tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan na pangako nito sa sustainable development ng bawat Pamilyang Valenzuelano.