January 25, 2025

MGA PROBLEMA SA LGU NA NAKASASAGABAL SA INFRA PROJECTS NG GOBYERNO, IPINARATING NG MAKATI BUSINESS CLUB SA DPWH

NAGHAIN ng rekomendasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga opisyal ng Makati Business Club (MBC) sa courtesy call ng MBC kay DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Sa naturang courtesy visit, pinapurihan ni MBC Vice Chair Jaime Augusto Zobel de Ayala si Secretary Bonoan na aniya ay nararapat na mamuno sa kagawaran dahil sa tinataglay na  competence, malawak na karanasan at kaalaman na makareresolba sa mga suliranin o hamon na kinakaharap ng sektor ng imprastraktura.

Ibinahagi rin ng  business executives ang mga pananaw at pangunahing rekomendasyon sa naunang pakikipagpulong sa mga  infrastructure players, pakikipanayam at survey sa mga miyembro ng  MBC.

Ilan sa pangunahing isyu na tinalakay sa isang oras na courtesy visit ay ang bagong inaprubahang IRR kaugnay sa Build-Operate-Transfer April 2022; pagkabalam sa pag-apruba at implementation stages ng infrastructure flagship projects; problema sa right of way; problema sa mga LGU gaya ng pagkabalam na approval at ang hindi magkakatugmang panuntunan at mga rekisito, presyo ng construction materials at iba pa.

Sa kanyang panig, binigyang-diin  Secretary Bonoan na pagnanais na palakasin ang ugnayan sa MBC at tiniyak na tatalakayin niya  sa Cabinet Infra cluster meeting at sa Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga nasabing concern ng MBC.

Kasama ni  MBC Vice Chair Jaime Augusto Zobel de Ayala sa pagbisita sa DPWH ang MBC delegation kabilang sina Cosette Canilao, Ruben Camba, Luis Franco, Anthony Fernandez, Ramoncito Fernandez, Eduardo Sahagun, Benjamin Yao, Vicente Lao at  Coco Alcuaz na sinaksihan nina DPWH Senior Undersecretary Emil K. Sadain at Undersecretary Maria Catalina E. Cabral.