SA kabila ng modernisasyon ay patuloy pa rin ang pamamayagpag ng pagsusulat gamit ang wikang Filipino. Mas madaling maunawaan at matandaan ang mga impormasyon kung sa sariling wika ang ginagamit.
Marapat lamang na patuloy na ituro at hubugin sa mga mag-aaral ang kakayahan sa pagsusulat na magbubukas sa pintuan tungo sa mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapahayag ng damdamin o kaisipan. Tunay na mahalagang aspeto ang pagsusulat bilang salamin ng kultura at kasaysayan.
Malaking hamon sa pagsusulat ng mga mag-aaral ang iba’t ibang katawagang ginagamit ngayon sa gadgets, apps, at social media. Marami sa mga salitang Ingles ay ibinabaybay sa pagsusulat ng Filipino na nagdudulot sa pagbabago ng ispeling at kahulugan. Gayundin ang kahinaan sa tamang paggamit ng malaki at maliit na titik, at mga bantas. Bilang tugon malaking tulong ang paggamit ng tradisyunal na diksyunaryo upang matukoy ang tiyak na kahulugan at tamang paggamit at pagpapakahulugan sa mga salita.
Ayon kay Prop. Jose A. Arrogante, may apat na kahalagahan ang pagsusulat: kahalagahang panterapyutika, pansosyal, pang-ekonomiya, at pangkasaysayan.
Una: Kahalagahang Panterapyutika. Mahalaga ang pagsusulat upang maipahayag ang saloobin ng may-akda. Ang hindi masabi ng bibig ay naisasatinig sa pamamagitan ng panulat. Malaking tulong ito upang maiparating ang mga mensahe gamit ang mga titik at salita.
Ikalawa: Kahalagahang Pansosyal. Nakakatulong ang pagsusulat upang magkaroon ng interaksyon ang mga tao kahit malayo ang kanilang mga kausap. Sa pagsusulat ay naipapabatid ang mga impormasyon tungkol sa kaganapang nagaganap sa isang lugar o pangyayari.
Ikatlo: Kahalagahang Pang-ekonomiya. Maraming maaaring pasuking propesyon ang larangan ng pagsusulat katulad ng pagiging mamamahayag, script writer sa mga telebisyon at pelikula, pagsulat ng mga korespondensya, at iba pang kaugnay. Ang mga nabanggit ay nangangailangan ng mataas na kaalaman at kasanayan sa pagsusulat upang mabatid ang mga tuntunin at gampanin nito.
Ikaapat: Kahalagahang Pangkasaysayan. Ang pagtatala at pagdodokumento ay mga paraan upang mapangalagaan ang kasaysayan. Ang mga nailimbag na mga aklat bunga ng masusing pag-aaral at nailathalang mga balita ay maaaring magamit bilang sanggunian sa pananaliksik.
Sa munting kakayahan ng may-akda ang PITAK FILIPINO ay makapag-aambag ng mga makabuluhang impormasyon gamit ang sariling wika. Ang wika ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng iba’t ibang kultura at maitawid sa mas malalim na pag-unawa sa mga Pilipino.
Ang may-akda ay isang guro. Kanyang napatunayan na tunay na mahalaga ang wika sa edukasyon bilang pangunahing gamit sa pagtuturo at pagkatuto. Ang kakayahang bumasa at sumulat sa sariling wika ay matibay na pundasyon ng pagkatuto. Ang mga natutuhan ay nagbibigay-daan upang mas lumawak ang pag-unawa sa mundo, magkaroon ng pagkakilanlan sa mga impormasyon, at makibahagi sa anumang diskurso.
Tunay na mahalaga ang wika bilang kasangkapan sa edukasyon at pagkatuto. Sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino, nagkakaroon ng pitak mula sa puso na maipahayag ang mga kaalaman at impormasyong kailangan sa pagpapaunlad ng isipan at kakayahan ng mga mag-aaral na uhaw sa karunungan.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO