January 23, 2025

Mga PDL na nailipat na sa iba’t ibang piitan, halos apat na libo

Umaabot na sa halos apat na libong  o 3,993 persons deprived of liberty o PDLs sa New Bilibid Prison o NBP ang nailipat na sa iba’t ibang kulungan sa bansa na pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections o BuCor.

Sa naturang bilang  999 ay inilagay sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan;  1,000 sa Davao Prison and Penal Farm; 1,000 sa San Ramon Prison and Penal Farm; at 448 sa Leyte Prison and Penal Farm.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapàng Jr, binubuo ng 500 PDLs ang pinakahuling batch na nailipat sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City.

Ang paglilipat ng PDLs mula sa NBP ay bahagi aniya nang patuloy na decongestion program ng kawanihan bilang bahagi ng paghahanda sa conversion ng 350 hectare property ng Bucor sa Muntinlupa City bilang sentro ng gobyerno, open park at iba pa.

Ang ibang PDLs naman ay magtratrabaho sa mga agricultural project sa mga penal farm at bilang paghahanda na rin sa pagsasara ng  NBP sa taong 2028.