Isang linggo bago ang State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naglatag na ng panawagan sa Pangulo ang militanteng grupo ng mga manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU).
Nais ng KMU na tuldukan ang contractualization sa hanay ng mga manggagawa at gawing priority bill ang Security of Tenure Act.
Nabatid na ipinatupad ang kontraktwalisasyon sa bansa noong panahon ni Dating Pangulong Marcos Sr. nang lagdaan ang PD 442 o ang Labor Code.
At ayon kay Jerome Adonis, secretary general ng KMU, ngayong may bagong Marcos na nakaupo sa Malacañang, panawagan nila na ipawalang bisa ang iskemang inumpisahan ng tatay niya.
Sinabi ni Adonis na pinaka-kailangan ngayon ang batas para magkapantay-pantay ang sahod sa buong bansa na nakabatay sa itinakdang family living wage o ang pang-araw araw na halagang kailangan ng pamilya na mayroong 5 miyembro.
Iginiit din ng grupo na kabilang sila sa magsasagawa ng malawakang pagkilos sa araw ng unang SONA ng Pangulong Marcos sa Hulyo 25.
Samantala, bilang preparasyon para sa peace and order and security measures, ipatutupad na ng Manila Police District (MPD) ang Oplan Bakal.
Inatasan ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco ang lahat ng Station Commander na paikutin ang kanilang mga tauhan sa mga lugar na kanilang nasasakupan gaya ng mga videoke bar, night club, internet cafe, E-Bingo at iba pa kung saan ay isa-isang kinakapkapan ang mga tao upang matiyak na wala silang dalang anumang armas na posibleng maging simula ng kaguluhan.
Sa July 22 pa paiiralin ang anim na araw na gun ban, nais ng pamunuan ng MPD na masigurong maayos at payapa ang lahat bilang isa sa mga hakbang ng paghahanda sa nalalapit na SONA ng Pangulong Marcos.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna