December 19, 2024

Mga paliparan na pinapatakbo ng CAAP, ligtas sa 6.3 magnitude na lindol

Naglabas ng update ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasunod ng 6.3 magnitude na lindol na naranasan kaninang alas-10:19 ng umaga.

Ang Caltagan, Batangas ang naging epicenter ng lindol.

Kaagad nagsagawa ng earthquake drill procedure sa San Jose Airport habang may lindol. Ayon kay Area Center 3 Manager Gleen Tripulca, ligtas lahat ng emplyeado at wala namang natamo na major damage ang gusali at equipment.

Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, wala ring naitalang pinsala sa mga sumusunod na paliparan: Calapan Airport, Clark Tower, Jomalig Airport, Lubang Airport, Mamburao Airport, Pinamalayan Airport, Sangley Airport, San Jose Airport, Subic Tower/Airport.

Mabilis ding sumunod sa safety protocols ang mga empleyado ng CAAP Central Office sa Pasay at lumikas sa kanilang mga building nang maramdaman ang lindol. Bumalik din ang mga ito sa kanilang trabaho nang malaman na ligtas na ang sitwasyon.

Gayunman, patuloy na nakabantay ang CAAP sa aftershocks na patuloy pa ring nararanasan sa ilang lugar sa Southern Luzon batay na rin sa abiso ng PHIVOLCS. (ARSENIO TAN)