ANG buwan ng Hunyo ay tunay na makasaysayan sapagkat maraming mahahalagang pangyayari ang ginugunita at ipinagdiriwang. Ang lahat ay hinihikayat na makiisa at makisaya.
Nangunguna sa ginugunita ang ika-126 taong Araw ng Kalayaan tuwing 12 Hunyo. Sa bisa ng Proklamasyon ng Pangulo Blg. 28 noong 12 Mayo 1962 ay inihayag ni Pangulong Diosdado P. Macapagal (1910-97) ang 12 Hunyo bilang special public holiday sa buong bansa. Makalipas ang mahigit na dalawang taon ay kanyang nilagdaan ang Republic Act No. 4166 noong 04 Agosto 1964 na nagtatalaga sa petsang 12 Hunyo bilang Araw ng Kalayaan sa Pilipinas, at petsang 04 Hulyo bilang Republic Day. Ngayong taon ang tema ay “Kalayaan 2024: Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.” Pangungunahan ang pagdiriwang ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP).
Bago nito ang pagdiriwang ay sinimulan sa pamamagitan ng Araw ng Watawat sa Pilipinas simula 28 Mayo hanggang 12 Hunyo. Ang gawain ay alinsunod sa Proklamasyon ng Pangulo Blg. 374 noong 1965 na idineklara ang 28 Mayo bilang paggunita sa kabayanihang ipinamalas ng mga sundalong Pilipino sa Labanan sa Alapan, Imus, Cavite, laban sa mga sundalong Espanyol. Bilang pagkilala sa tagumpay, pormal na ginamit ni Hen. Emilio Aguinaldo (1869-1964) ang bagong watawat sa isang pagtitipon sa Teatro Caviteño, Lungsod Cavite. Samantala sa bisa ng Executive Order No. 179 noong 1994 ni Pangulong Fidel V. Ramos (1928-2022) ay pinalawig ang pagdiriwang at hinihikayat ang pagsasabit o paglalagay ng mga watawat mula 28 Mayo hanggang 12 Hunyo.
Pagsapit ng 19 Hunyo ay gugunitain ang ika-163 taong kaarawan ni Dr. Jose Rizal (1861-96). Ang CalamBagong Buhayani Festival 2024 sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ay may temang “Isang Dekada ng Saya at Parangal sa mga Bayani ng Ating Bayan” ay hitik sa mga gawain batay sa sumusunod: 10 Hunyo ay “Kusinang Calambeño” sa JR Function Hall; 11 Hunyo ay “Talinong Rizal” sa City Mall Calamba Event Hall, at “Art Painting Competition” sa JR Coliseum; 12 Hunyo ay Araw ng Kalayaan sa JR Coliseum Function Hall; 13 Hunyo ay “Kwentong Bayani” nina Mayor Ross Rizal at Vice Mayor Totie Lazaro, at “Rizal As An Educator” pareho sa Museo ni Jose Rizal; 14 Hunyo ay “Job Fair” sa SM City Calamba, at “Kwentong Bayani” nina Rep. Cha Hernandez-Alcantara at Hon. Kath Silva-Evangelista sa Museo, at “Calambagong Bayani Awards 2024” sa Bulwagang Rizal; 17 Hunyo ay “Balagtasan” sa JR Coliseum Auditorium; 19 Hunyo ay Pagdiriwang sa Kaarawan ng Bayani, at “Sayaw Indak Street Dance at Float Competitions” sa Calamba City Plaza, at “Grand Parade” sa Riverview Resort; at 30 Hunyo ay “River Run 1KM Kids/3KM/5KM” sa JR Plaza.
Ang 24 Hunyo ay paggunita sa ika-453 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod Maynila na pangungunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo. Magsisimula sa serye ng mga libreng konsiyerto na “Tunog Maynila” na gagawin sa Kartilya ng Katipunan katabi ng Manila City Hall sa mga petsang 01, 08, 15, at 22 Hunyo. Magbubukas din ng “Lasa Maynila” na isang food bazaar ng Mercato Central tuwing Biyernes hanggang Linggo, 04:00 Hapon-11:00 Gabi. Tuwing Biyernes ay may “Musiko Maynila” na nagtatampok sa Metro Manila’s top Marching Banda, 05:00 Hapon-06:00 Gabi; at “Talentadong Manileño” na pangungunahan ng ‘Bekshies ng Maynila’, 06:00-10:00 Gabi. At tuwing Linggo ang “Zumba Manila” dance competition ng Manila School Parents-Teachers Association (SPTA) sa ‘Move Manila’ sa Roxas Boulevard.
Ang 30 Hunyo ay paggunita sa ikalawang taong anibersaryo ng panunumpa ni Ferdinand R. Marcos Jr. bilang ikalabinpitong Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang petsa ng seremonya ay batay sa 1987 Konstitusyon. Ang panunumpa ay isinagawa sa ganap na 12:00 Tanghali na sinundan ng 21-gun salute, four ruffles and flourishes, at presidential anthem na “We Say Mabuhay” at presidential honors music na “Marangal na Parangal” para sa bagong pangulo. Si Marcos Jr. ay nanumpa kay Punong Mahistrado Alexander Gesmundo, ang ikaapat na pangulong nanumpa sa Pambansang Museo ng Sining matapos nina Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel A. Roxas (1946). Ginamit ng pangulo ang Biblia na unang ginamit ng kanyang amang si Marcos Sr. sa unang inagurasyon noong Disyembre 1965.
Mabuhay ang Pilipinas!
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA