December 24, 2024

Mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya! OFWs tutulungan ng TESDA

IPAGPAPATULOY ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagbibigay ng skills training courses sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na napilitang umuwi ng Pilipinas matapos mawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay TESDA Deputy Director General John Bertiz, ito ay bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes na suportahan at ayudahan ang mga OFW para maibigay ang kanilang mga pangangailangan gayundin ang mga pamilya nito.

Saad pa niya na malinaw ang paalala, na kailangang mabawasan ang epekto ng virus sa taumbayan lalo na ang mga nawalan ng trabaho at hanapbuhay, kaya ikinatuwa rin niya ang pagpapahalaga ng Pangulo sa ating mga bagong bayani.

Paliwanag ni Bertiz, mandato ng TESDA na muling mabigyan o madagdagan ang kasanayan ng mga nagbabalik na OFWs upang makahanap sila ng panibagong trabaho o kabuhayan sa Pilipinas na maari rin nilang magamit kapag pinabalik sila sa ibang bansa.

Iuugnay din sila sa financial assistance para makapagsimula ng bagong pagkakakitaan.

Katuwang ng TESDA ang partners nito sa pagpapatupad ng whole-of-government, whole-of-society at whole-of-system efforts, para labanan ang epekto ng COVID-19.

Buo aniya ang gagawing pag-ayuda ng TESDA hindi lamang sa gobyerno kungdi sa lipunan at sa mga pagkilos upang labanan at mapagtagumpayan ang pandemya.