February 23, 2025

MGA NASUNUGAN SA TONDO, STA. CRUZ NAKATANGGAP AGAD NG TULONG MULA SA MANILA LGU

Si Mayor Honey Lacuna kasama ang ilang fire victims na nakatanggap ng tulong mula sa Manila LGU. (ARSENIO TAN)

“Huwag na po tayong magsisihan pa… ang mahalaga ay unahin nating iligtas ang buhay kapag may sunog at sikapin nating makabangong muli.”

Ito ang naging mensahe ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga pamilya na nawalan ng tirahan sa magkahiwalay na sunog sa Tondo at Sta. Cruz.

Naipamahagi kaagad nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo, katuwang si Department of Social Welfare chief Re Fugoso, ang kinakailangan na tulong para sa mga biktima ng sunog na tumupok sa residential areas sa Barangay 106, District 1 at Barangay 353 District 3.

“Ang pag-asang dala ng bawat tulong na ating binibigay ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa bawat pamilyang nangangailangan sa oras ng sakuna. Patuloy tayong magiging katuwang sa kanilang muling pagbangon.  Anumang pagsubok, basta’t sama-sama, kaya natin ito,” wika ng alkalde.

Napag-alaman mula kay Fugoso, na hindi lamang P10,000 ang ibinigay na tulong pinansiyal sa bawat apektadong pamilya, kundi namahagi rin sila ng food boxes, relief goods, hygiene kits, grocery items at iba pang mahahalagang bagay.

Pinasalamatan din ni Fugoso ang mga nagbigay ng karagdagang tulong, kabilang sa kanila ang nagbabalik na si 1st District Congressman candidate Manny Lopez, mga konsehal na sina Marjun Isidro at Eugene Santiago, gayundin sina 3rd District Congressman Joel Chua at Councilor Fa Fugoso.

Pansamantalang tumutuloy ang mga biktima sa Andres Bonifacio Elementary School kung saan inihatid na rin ang mga portable tent para magamit nila kaagad.

“Sa gitna ng pagsubok, tinitiyak ng lokal na pamahalaan na walang maiiwan at bawat pamilyang naapektuhan ay may sapat na suporta,” saad ng alkalde.

Dagdag niya: “Hindi man po malaki ang aming tulong na ibinibigay, ang mahalaga ay maramdaman ninyo na narito ang inyong lokal na pamahalaan na katuwang ninyo upang kahit paano ay makatulong ninyo sa muling pagbangon.” ARSENIO TAN