January 26, 2025

MGA NASAGIP NA ASO SA QC SASANAYIN BILANG COMMUNITY SERVICE DOGS

Kuha mula sa Quezon City Veterinary Department/FB

Malapit nang maging kapaki-pakinabang na miyembro ng komunidad ang mga stray dogs o mga asong gala dahil sinimulan na silang sanayin ng Quezon City Veterinary Department bilang mga service dog.

Base sa report ng QCVD, higit sa 57 aso kada araw ang nasasagip ng siyudad, kabilang na rito ang mga sinusurender ng kanilang mga amo.

“Before training them, our veterinarians make sure that the rescued animals undergo a comprehensive assessment, health check, and even temperament test. This is for us to determine if a dog is suitable as a pet or a community service canine,” saad ni Mayor Joy Belmonte.

Bawat aso ay isasalang sa tatlong araw na obserbasyon at sa isang Safety Assessment for Evaluation Rehoming (SAFER) test.

Susiriin din sila para sa common disease conditions tulad ng Parvovirus, Distemper, Transmissible Venereal Tumor, at Mange and parasitism. Tanging ang malulusog na aso ang kwalipikado para sa Rehabilitation and Adoption Program.

“Since the establishment of the QC Animal Care and Adoption Center in November, the city has already partnered with the Quezon City Police District and Bureau of Fire Protection. These agencies will be the first recipients of selected sheltered dogs that they will further train as a drug, bomb-sniffing, and rescue dogs,” dagdag ng alkalde.

Ayon kay City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel, may mga nakatalaga rin na trainer sa mga aso para masubaybayan ang kanilang pang-araw-araw na progreso.

Bukod rito, nakikipagtulungan din ang siyudad sa iba’t ibang animal groups upang madagdagan ang pet adoption at mabigyan ng bagong pamilya ang bawat aso.