May 14, 2025

Mga nagwaging Mayor sa CAMANAVA, naiproklama na

MAGKAKAHAWAK na nagtaas ng kanilang mga kamay ang Partido Navoteño na nagwagi sa katatapos lamang na 2025 National and Local Elections nitong Mayo 12, sa Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni incumbent Mayor John Rey Tiangco, Congressman Toby Tiangco, Vice Mayor Tito Sanchez at mga konsehal sa una at ikalawang distrito ng lungsod. Nagpasalamat naman ang Tiangco brother’s sa Navoteños sa patuloy na pagtitiwala sa kanila. (JUVY LUCERO)

PORMAL ng ipinroklama ang mga nagwagi sa pagka-alkalde sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) sa katatapos lamang na 2025 National at Local Elections, nitong Mayo 12.

Sa Caloocan, nagwagi para sa kanyang ikalawang termino si incumbent Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan laban sa kanyang apat na katunggali, kabilang si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.

Ipinroklama na rin ang running mate ni Mayor Along na si Vice Mayor Karina Teh.

Sa Malabon, naiproklama na rin para sa kanyang ikalawang termino si incumbent Mayor Jeannie Sandoval at kanyang running mate na si Vice-Mayor-elect Edward Nolasco, kasama mga nanalong konsehal mula sa una at ikalawang distrito ng lungsod.

Si Sandoval ay nagwagi bilang alkalde ng lungsod laban sa kanyang katunggali na si dating Congresswoman Jaye Lacson-Noel.

“Ito po ang patunay na tayong mga Malabueno ay tunay na nagkakaisa, tunay na nagnanais ng patuloy na progreso para sa pagpapabuti ng buhay ng bawat isa. Lubos po ang aming pasasalamat sa suporta ng ating mga kababayan na patuloy na naniniwala sa ating mga layunin. Naka-ahon na tayo. Ngayon, sama-sama po tayo, nagkakaisa tungo sa ating pangarap na mas maunlad na lungsod kung saan lahat ay may pagkakataon mapabuti ang buhay,” pahayag ni Mayor Jeannie.

Nagwagi naman bilang Congressman ng lone district ng Malabon si Lenlen Oreta.

Sa Navotas, pormal na rin naiproklama ang mga nanalo sa pangunguna ni incumbent Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Taingco, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at mga konsehal mula sa una at ikalawang distrito ng lungsod matapos ang landslide na panalo ng Partido Navoteño.

“Maraming salamat po sa inyong suporta, hindi lamang ngayong eleksyon kundi sa bawat programang ating isinusulong. Alam po nating hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung wala ang inyong kooperasyon. Nagpapasalamat din tayo sa lahat ng tumulong para maging maayos ang halalan ngayong taon – sa mga guro, volunteers, at lahat ng ating mga kababayan,” ani Mayor Tiangco.

“Ang panalong ito ay gagamitin nating inspirasyon para mas mapaglingkuran pa ang mga Navoteño.  Maraming, maraming salamat po sa inyong muling pagtitiwala at suporta sa atin at sa buong Partido Navoteño,” pahayag ni Cong. Tiangco.

Samantala, naiproklama na rin ang mga nagwagi sa Valenzuela sa pangunguna ni incumbent Mayor Wes Gatchalian at kanyang running mate elect Vice Mayor Marlon “Idol” Alejandrino, kasama ang mga nanalong konsehal mula sa una at ikalawang distrito ng lungsod.

\Naproklama na rin ang nagwaging Congressman sa unang distrito ng lungsod na si Kenneth Gatchalian at nanalo sa ikalawang distrito na si elect Congressman Gerald Galang. (JUVY LUCERO)