November 5, 2024

MGA MIYEMBRO NG UNION NG MANGGAGAWA NG DEPED, TATANGGAP NG AYUDA

MAGKAKALOOB ng tulong pinansyal ang grupo ng mga non-teaching personnel sa kanilang mga kasapi na nahawahan ng Covid19 maging ang mga pumanaw sa naturang sakit.

Sinabi ni Atty. Domingo Alidon, national president ng Department of Education-National Employees’ Union (DepEd-NEU), makakatanggap ng financial assistance mula sa unyon ang mga miyembro na nagpositibo sa virus kasama na rito ang mga kinokonsidera lamang na  suspected and probable cases.

Nilinaw ni Alidon na tanging mga miyembro lamang na nakapag-ambag ng kanilang union dues at mutual aid ang makatatanggap ng  ayudang pinansyal dahil  kukunin din sa pondo na gagamitin para dito.

“Bawat pasyente, confirmed man ‘yan, suspected o probable cases, ay tatanggap ng P3,000 bilang financial assistance, habang ‘yung pamilya o kamag-anak ng namatay na myembro ng unyon ay makatatanggap ng P5,000 bilang burial assistance o death benefits,” ayon kay Alidon.

“Evidence-based po tayo, ipadala lamang ang kanilang pay slip bilang katunayan na sila ay nakapag-ambag na sa ating mutual aid, medical certificate kung sila ay infected ng Covid19 at death certificate naman sa mga yumaong myembro ng unyon,” sabi ni Alidon.

“Ito ay ating tugon sa mga paghihirap, lahat naman tayo apektado ng pandemyang ito . . . at least makakatulong tayo sa mga myembro kahit papaano,” dagdag pa nya.

Nananawagan si Alidon sa ibang miyembro ng unyon na wala pang deduction na alamin sa kanilang division o regional offices para pakiusapan ng mga opisyal ng unyon na i-implement ‘yung automatic payroll deduction system o APDS ng national employees’ union. “Ang ating apela sa mga divisions o regions ay isakatuparan na ang ating automartic payroll deduction system sa ating union dues and mutual aid,” panawagan ni Alidon.