December 24, 2024

Mga may-ari ng clinic na nagtapon ng ‘used rapid test’ sa Maynila, kakasuhan

NAHAHARAP sa patong-patong na kasong kriminal ang mga may-ari at nagpapatakbo ng CP Diagnostic Clinic sa Quiapo, Maynila

Sa report ng MPD Station 4, kabilang sa kakasuhan ay sina Mario Gang, ng Sta. Rosa Laguna;  Zernan  C. Canonigo at Dr.  Noval Santos, may-ari ng  CP Diagnostic Center sa Suite 404 Equitable Bank Building, Carlos Palanca St., Barangay 386, Quaiapo sa nasabing siyudad.

Una nang nag-viral sa social media ang hindi wastong pagtatapon ng mga gamit o used rapid test kits para sa covid-19 sa M. Dela Fuente St., Sampaloc, Maynila noong Setyembre 1, ng gabi at ang mga nagkalat na rapid test kits na ito ay  natunton na galing sa CP Diagnostic Clinic  na pag-aari ng mga respondent.

Sa pagsisiyasat naman ng Manila Health Department, natuklasan ang maraming paglabag ng naturang klinika gaya nang kawalan ng   sanitary permit  para sa 2019 at 2020; walang health certificate ang 5 personnel nito; hindi wasto ang pagtatapon ng mapanganib o hazardous waste materials; paso o expired na ang service contract sa Integrated Waste Management for Collection of   Hazardous Waste mula December 2019 hanggang June 2020; hindi wastong pag-iimbak ng  hazardous waste materials; at hindi nakalagay sa tamang kulay o kulay dilaw na bag ang mga mapanganib na basura nito.

Complainant sa kaso ang Barangay 452, Zone 45 na kinakatawan ni Barangay Chairman Freddie Bucad Jr, 38, na residente ng 1739 SH. Loyola St., Sampaloc, Maynila.