January 4, 2025

Mga mananaliksik, naghahanap ng mas maraming partner para subukan ang hand-writing tool research

Ang mga bisita ng 2024 National Science and Technology Week (NSTW) ay sinubukan ang iSULAT pen technology na binuo ng mga mananaliksik mula sa University of Sto. Tomas. Ang proyektong ito ay pinondohan ng Philippine Council for Health Research and Development. (Larawan mula sa mula sa DOST-PCHRD)

Isang handwriting assessment tool ang binuo ng mga lokal na mananaliksik, na naghahanap ng karagdagang mga katuwang upang mas palawigin pa ang kanilang proyekto at makapagsagawa ng mas maraming pagsusuri sa bansa.

Ang Intelligent Stroke Utilization, Learning, Assessment, and Testing o iSULAT ay isang panulat na nagbibigay ng praktikal na solusyon para sa pagtatasa ng sulat-kamay ng mga bata. Nagbibigay rin ito ng kauukulang pagsusuri batay sa mga pinaka-pangkaraniwang pagsusuri gaya ng visual-motor skills test at Minnesota handwriting assessment.

Ang proyektong ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na may kaukulang pondo na aabot sa higit tatlong milyong piso.

“’Yung mga ganitong invention, kailangan niyan ng testing. Hindi lang isa. Dapat tine-test siya ng mas marami para mas ma-check kung accurate or kung maganda na yung pine-perform ng prototype. So, ang ine-aim ng project team ay maka-capture pa ng maraming enthusiasts or mga gustong kumonekta sa kanila to promote the project, and at least mata-try sa iba’t-ibang lugar. Kasi ngayon, parang ilang sites pa lang sila,” saad ni Engr. Jomel  Herras, project manager mula sa DOST-PCHRD.

Ang iSULAT ay isa sa mga teknolohiyang naitampok sa katatapos lang na 2024 National Science and Technology Week na ginanap sa Cagayan de Oro City noong ika-26 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre 2024.

Ayon sa DOST-PCHRD, ang mga pamantayang pagsusuri  na karaniwang isinasagawa para sa mga batang may developmental delays ay magastos at kadalasang nangangailangan ng occupational therapists. Ang mga gamutan ay kadalasang tumatagal ng bente minutos hanggang isang oras.

Sa tulong ng iSULAT, pwede nang suriin ang mga bata nang sabay-sabay kahit wala ang occupational therapist.

Ang iSULAT ay mayroong microcontroller na nagdadala ng mga datos sa isang mobile application. Ang mga raw signal na makakalap ng panulat ay dadaan sa masusing proseso ng filtering, feature scaling, engineering data, at analysis bago ito dalhin sa isang occupational therapist, para sa kanyang diagnosis.

“So, basically kasi and ina-address na problem ni iSULAT ay ang kakulangan natin ng occupational therapists and ‘yun nga, magastos ang therapy. So, atleast to help, siguro yung pinaka-root muna ng problem is ‘yung problema kasi ng mga bata sa kanilang handwriting. They do it in their everyday lives. Nagsusulat sila even with Math, in Arts, English. ‘Yung ibang mga bata, hindi sila enthusiastic magsulat so akala natin lazy sila,” dagdag ni Herras.

Sa unang bahagi ng proyekto, ang project team ay nakapagsagawa na ng pagsususri sa iba’-ibang bahagi ng Luzon gaya ng Villa Maria Elementary School sa Porac, Pampanga; Juan Sumulong Elementary School sa Metro Manila; at Bulacan Montesorri School Inc. sa probinsya ng Bulacan. Ang mga mag-aaral na lumahok sa pagsusuri ay nasa edad anim hanggang sampu. “Hopefully by 2026, may phase II na siya at mai-aapply na siya, hindi lang for kids. May specific na target like people with ADHD and autism,” saad ni Herras.