Kumusta pong muli mga Cabalen. Laging hiling po ng inyong lingkod na lagi po kayong nasa mabuting kalagayan. Sumainyo rin po ang pagpapala ng ating Panginoong Diyos.
Nakababahala mga Cabalen na pati mga mamamahayag, (maging sa mga sangkot dito) ay hindi nakaligtas sa bagsik ng Covid-19. Kaugnay nga rito mga Cabalen, pansamantalang mawawala muna sa pagsasahimpapawid ang CNN Philippines dahil nga sa naturang nakatatakot na karamdaman.
Kaninang hapon mga Cabalen, inihayag ng nasabing himpilan na pansamantala muna silang mawawala sa ere; hindi dahil sa paso na rin ang kanilang prangkisa. Kundi, nag-iingat sila para sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa.
Napag-alaman natin sa kanilang post sa Facebook page na nagpositibo sa Covid-19 ang isa sa miyembro ng kanilang utility. Kaya, huwag na tayong magtaka kung hindi na mapapanood ngayong gabi ang ilang palabas sa nasabing istasyon. Anila, isasailalim nila sa disinfection ang kanilang himpilan sa kanilang opisina sa Mandaluyong.
Sa kabila ng nangyari, sinabi ng CNN na patuloy silang maghahatid ng makabuluhang balita sa pamamagitan ng social media.
Naalala natin noon na nangyari na rin sa nasabing istasyon ang pansamantalang pagtigil ng operasyon noong March 2020.
Kaya payo natin sa mga bumubuo sa industriya ng pamamahayag, mag-iingat po tayo— dahil tayo ang nagbibigay ng impormasyon at balita sa taumbayan. Mahalaga ang papel ng mga mamamahayag, maging ito man ay sa print o broadcast media— sa pagbibigay ng sustansiya sa laman ng ating ibinabalita at paglalahad ng katotohanang nangyayari sa ating bayan.
Kaya, bago tayo sumalang sa ating tungkulin, nararapat na protektado tayong lagi. Isuot ang mga pananggalang sa Covid-19 gaya ng face mask, face shield, alcohol, sanitizer at iba pang kaukukulang pag-iingat.
Hindi biro ang maging mamamahayag lalo na ‘yung nasa field dahil exposure sila. Kaya, dapat gawin ang nararapat na pag-iingat.
Higit sa lahat, lagi tayong manalangin sa Panginoong Diyos na lagi Niya tayong ingatan sa ating mga paglalakbay.
More Stories
MAYOR HONEY LACUNA AT VM YUL SERVO KAHANGA-HANGA ANG TANDEM
Huling Tula ng Pambansang Bayani
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!