November 3, 2024

MGA MALING EKSENA SA PELIKULANG THE TEN COMMANDMENTS

Ang pelikulang The Ten Commandments ni Cecille B. De Mille

Isa sa masasabing pinakamagandang nagawang pelikulang Biblical na hango sa istorya ng propetang si Moises ay ang The Ten Commandments ni Cecille B. De Mille na ipinalabas noong 1956. Isa ito sa sikat na pelikulang may tema t kuwento mula sa Biblia na tumabo noon sa takilya.

Mahaba, maganda at okey ang mga eksena na talagang binusisi. Bumagay sa papel na Moises ang actor na si Charlton Heston. Pero, kung lilimiin  mabuti ang istorya na ineksena sa naturang pelikula, maraming mali at wala sa Biblia ang napasama.

May mga eksenang wala mula sa panahon ng pagkasilang ni Moises hanggang sa matanggap nito ang sampung utos sa bundok Sinai.

Anu-ano ang mga kamaliang iyon? Ating hihimaying isa-isa.

Si Josue at Moises ay magkakilala na– Kung inyong napanood ang pelikula, lumalabas na malaki ang naging papel ni Josue bago pa man lumabas sa Egipto ang bayang Israel.

Lumalabas rito na hindi nalalayo ang agwat ng edad ng dalawa. Samantalang kung Biblia ang sasangguniin, nakilala lamang ni Moises si Josue na ang totoong pangalan ay Oseas (Bilang 13:16) nang nakalabas na sila sa Egipto at humantong sila sa Rephidim (Exodo 17:1, 17:8). Doon ay binaka sila ni Amalec at doon lamang siya nakkilala ni Moises nang utusan ito na pumili ng lalaki para lumaban.

Pero, sa mga unang bahagi ng pelikula, malutong na Josue na agad ang tawag ni Charles Heston sa lalaking gumanap sa papel nito na kasabay niyang nagpaalipin sa Egipto. Hindi sa Egipto nakilala ni Moises si Josue, kundi sa bayan ng Rephidim.

Si Moises ay pinalayas at hindi tumakas– Sa pelikula, pinaalis si Moises sa Egipto dahil nalamang isa siyang Hebreo. Pero sa Biblia, tumakas si Moises sa harapan ng Faraon dahil nalamang nakapatay siya ng  isang Egyptian.

Siya ay napasa lupain ng Madian. ( Exodo 2:15). Sa pelikula, medyo nalungkot pa ang Faraon sa pag-alis ni Moises, pero ang totoo sa Biblia, ito pa nga mismo ang gustong patayin siya. Kung kaya tumakas si Moises.

Si Josue ay sumunod kay Moises sa lupain ng Madian– Gayun ang nangyari sa isang eksena sa pelikula. Pero, walang mababasa na sumunod si Josue kay Moises sa Biblia. Wala ring mababasa na may love affair si Josue sa babaeng si Lilia na binibigyang emphasis na sa unang bahagi ng pelikula.

Diretsong magsalita si Moises– Kung inyong napansin, matutop at diretso at marikit magsalita si Charles Heston sa papel na Moises. Pero ang totoo ay mahiyain si Moises at umid ang dila kung magsalita (bulol). ( Exodo 4:10).

Kaya, ang kapatid nitong si Aaron ang inatasan ng Diyos na magiging tagapagsalita niya. Kung ano ang isasabibig ng Diyos kay Moises ay isasabibig niya kay Aaron.

Nang umulan ng granizo ay natutupok ito sa apoy ilang sandaling lumagapak ito sa lupain ng Egipto– Sa naturang eksena, namasdan mismo ng Paraon ang pag-ulan ng granizo at nagulantang siya nang matupok ito sa apoy. Wala sa Biblia ang naturang eksena. Kundi, umulan ng graniso (hail) at kasamang apoy. Magkahiwalay na elemento ang bumagsak at hindi iisang kumbinasyon. Subalit, ibinilang sila sa ikapito sa kabuuang 10 salot sa Egipto. ( Exodu 9:22-24)

Atin pong durugtungan pa ang mga pag-aanalisa tungkol sa naturang pelikula.