January 8, 2025

MGA KOMPANYA, INDIBIDWAL NA NAGKAKANLONG SA POGO WORKERS, KAKASUHAN – BI

Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na nagbabala ang bureau laban sa mga nagkakanlong sa POGO workers (ARSENIO TAN)

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) na kanilang hahabulin ang mga indibidwal o kompanya na nagkakanlong sa mga POGO worker na illegal na nanatili sa bansa.


Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, hindi umano magdadalawang isip ang ahensya na magsampa ng kaso laban sa sinumang mahuhuling nagtatago ng mga ilegal na dayuhan.

Ito umano ay paglabag sa Section 46 ng Philippine Immigration Act of 1940.

Nauna nang inanunsyo ni Sandoval ang mga nakaambang deportation proceedings sa mahigit 11,000 dating POGO workers na nabigong lisanin ang bansa bago ang itinakdang deadline noong Disyembre 31, 2024.


Samantala, hinikayat naman ni Sandoval ang publiko na iulat kung may mga paghihinala kaugnay sa paglabag at tinitiyak nila na ang mga report ay kumpidensiyal. ARSENIO TAN