November 5, 2024

MGA GYM, SPAS, INTERNET CAFES SARADO SA NAVOTAS

Pansamantalang ipinasara ang mga gyms, spas, at internet cafes sa Navotas matapos bisa ng nilagdaan ni Mayor Toby Tiangco na Executive Order 054 Series of 2021 habang umiiral ang mahigpit na general community quarantine sa Metro Manila mula March 24 hanggang April 4, 2021, maliban kung ito’y pahabain.

Alinsunod ito sa Metropolitan Manila Development Authority Resolution No. 21-05 at sa Department of Trade and Industry Memorandum Circular No. 21-11.

Layon ng EO na higit mabawasan ang pagkalat at paghahatid ng COVID-19 sa komunidad.

“Ang Navotas City Hospital at ang aming community isolation ay umabot sa full capacity dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 infections sa ating lungsod. Kailangan nating gawin ang lahat ng pag-iingat at mga hakbang sa kaligtasan upang mabawasan ang posibilidad ng pagkalat ng virus,” ani Tiangco.

Ang kagamitan sa mga gym at fitness center, pati na rin ang surfaces at lugar, ay naibabahagi sa mga parokyano nito, kaya nadaragdagan ang panganib na mahawaan ng virus. Ganun din sa mga internet cafe, kung saan ang bilang ng mga tao ay gumagamit ng isang yunit ng computer na nagpapataas ng posibilidad hawaan .

Sa kabilang banda, ang social distancing sa mga spa at massage parlor ay halos imposible at mahirap para sa mga manggagawa at kliyente na masunod ang minimum safety protocols.

“Patuloy nating isuot nang maayos ang ating face mask, magsanay ng social distancing, palaging maghugas ng mga kamay, at manatili sa bahay hangga’t makakaya natin. Ang mga safety protocols ang ating pangunahing proteksyon mula sa virus, lalo na ang bago at transmissible variants,” paalala ni Tiangco.

Nauna rito, kinumpirma ng DOH na may 10 kaso ng B.1.1.7 (UK) at isang B.1.351 (South African) variants ang naitala sa Navotas.