February 25, 2025

Mga gadgets sa opisina tinangay ng part-time worker sa Valenzuela

BINITBIT sa selda ang 22-anyos na part-time worker ng isang bodega ng iba’t-ibang produkto nang kanyang tangayin sa tanggapan nito ang mga gadgets sa Valenzuela City.

Ayon sa pulisya, natuklasan ng Human Resource Manager ng Surewin Household Corp. sa Malakas St., Brgy. Dalandanan na si alyas “ Ela”, 27, ang pagkawala ng dalawang laptop at dalawang cellular phone ng may kabuuang halagang Php105, 000.00 nang buksan niya ang kanilang opisina dakong ala-12:41 ng Linggo ng hapon.

Nang personal niyang rebisahin ang kuha ng CCTV ng kompanya, dito niya natuklasan na ang kanilang part-time na kawani na si alyas Ranuel ang tumangay sa mga gadgets kaya i-nireport niya ang insidente sa barangay.

Sunod na humingi siya ng tulong sa Police Sub-Station 6 kaya sinamahan siya ng mga tauhan nito sa Police Detective Unit ng Valenzuela police.

Sa ikinasang follow-up operation, nadakip ang suspek sa kanyang bahay sa Area 4, Pinalagad, Malinta dakong alas-2:35 ng madaling araw.

Pagnanakaw ang kasong inihain ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office matapos mabawi sa kanya ang mga gadgets na kanyang kinulimbat sa tanggapan ng naturang bodega.

Larawan mula sa shutterstock.com