November 24, 2024

MGA ESTABLISYIMENTO PINAKUKUHA NG SAFETY SEAL


UPANG mapanatili ang kaligtasan ng mga mamimili, panauhin at mga empleyado ng pribado at pampublikong establisyimento, hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga establishment na mag-apply para sa Safety Seal Certification at gamitin ang StaySafe.ph contact tracing application ng pamahalaan.

Ayon kay DTI-Central Luzon Director Leonila T. Baluyut, ang safety seal ay tanda na nainspeksyon na ng pamahalaan ang mga office, shop at establishment at napatunayang sumusunod sa minimum public health standards na itinakda ng gobyerno.

Maliban sa DTI, ang mga ahensya rin ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG) at the Department of Tourism (DOT)  ay inatasan rin ng pamahalaan na magsagawa ng Safety Seal inspection and assessment sa iba pang establisyemento.

Bagamat boluntaryo ang aplikasyon, hinikayat ni  Baluyut ang mga pribadong negosyo at establisimyento na kumuha pa rin ng safety certification para tumaas ang kumpiyansa ng publiko, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya.

Kasama sa mga establisyimento na maaring kumuha ng safety seals ay ang groceries, supermarkets, shopping clubs, convenience stores, construction supply/hardware stores, logistic service providers, barbershops at salons, maging service at repair shops.

Maaring mag-apply ang pampublikong establisyimento sa DILG habang sa DOT naman ang tourism-related enterprises at restaurant sa loob ng hotel at resort.

Pupuwede namang mag-apply sa DOLE ang manufacturing, construction, utilities, warehouses at media companies habang sa local government units maaring mag-apply ang mga mall,  retail stores, restaurants outside hotels and resorts, cinemas, gyms and spas, at iba pang private establishments.

Hiniling din niya sa publiko na suriin ang authenticity ng seal, na dapat naka-display sa establisyimento at agad mapapansin ng tao.

Dapat mayroon itong logo ng nag-isyu na ahensiya, may Safety Seal number, at may petsa kung kailan  ito inisyu at may expiration date.