January 8, 2025

MGA DEBOTO NG NAZARENO SUMUNOD SA MGA PATAKARAN NA ITINAKDA NG SIMBAHAN AT MGA AWTORIDAD – MAYOR HONEY

Nasa larawan si Mayor Honey Lacuna (gitna) sa ginanap na Nazareno 2025 press conference. Kasama niya (mula kaliwa) MPD Director Gen. Arnold Thomas Ibay, NCRPOT chief PBGen. Anthony Aberin, Balanga Bataan Bishop Rev. Fr. Rufino ‘Jun’ Sescon, Jr. at Parochial Vicar Rev. Fr. Jonathan Mojica. (ARSENIO TAN)

HINIMOK ni Mayor Honey Lacuna ang mga deboto ng Itim na Nazareno na mahigpit na sundin ang mga patakaran at regulasyon na itinakda ng Simbahan at mga awtoridad upang maiwasan ang anumang abala at matiyak ang kaligtasan ng mga sasama sa taunang ‘Traslacion’ na inaasahang dadagsain tulad ng dati.

Sa isang pahayag, nanawagan din si Lacuna sa mga lalahok sa ‘Traslacion’ na huwag nang magdala ng mga bata at person with disability upang hindi sila malagay sa panganib. Ang nasabing prusisyon ay nagtatampok sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno tuwing ika-9 ng Enero.

Inabisuhan din ng lady mayor ang mga dadalo na huwag magsuot ng alahas o magdala ng mga ipinagbabawal na mga gamit.

Higit sa lahat, nanawagan din si Lacuna sa mga deboto na tiyakin na hindi sila nakainom kapag sumama sila sa prusisyon, upang maiwasan na magdulot ng kapahamakan.

Tiniyak ni Lacuna na ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga sasama sa prusisyon.

Inutusan niya rin ang lahat ng kanyang mga tauhan na siguraduhin na walang mga nakalaylay na kable sa daraanan na ruta ng prusisyon pati na rin ang mga butas at bukas na mga imburnal para maiwasan ang anumang uri ng aksidente.

Nakaabang din ang mga medical teams sakaling kailanganin, dagdag ng alkalde. (ARSENIO TAN)