December 24, 2024

Mga dayuhang humahawak ng Student Visa, iniimbestigahan ng BI

Nilinaw ng Bureau of Immigration na isinasalang  sa intelligence investigation ang mga dayuhang may hawak na student visa sa Pilipinas na napatutunayang  sangkot sa mga ilegal na aktibidad habang nasa Pilipinas.

Ang paglilinaw ng  Bureau of Immigration ay sa harap ng isyu nang nadiskubreng malaking bilang ng mga Chinese students sa Cagayan.

Kaugnay nito tinitiyak ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na aktibo ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa mga foreign national na may student visa, na sangkot sa mga aktibidad na maaaring banta sa seguridad ng bansa.

Sa ilalim aniya ng Executive Order No. 285 noong 2000, may inter-agency committee na nangangasiwa sa monitoring ng mga dayuhang estudyante sa Pilipinas.

Nilinaw ni Tansingco na tanging foreign nationals na inendorso ng mga lehitimong eskuwelahan at ng CHED ang ginagawaran ng student visa.

Mandato aniya ng mga paaralang tumatanggap ng foreign students na magsumite ng regular na report sa Immigration bureau para masubaybayan kung sumusunod sila sa visa, habang ang CHED ang nakatutok kung sumusunod sa education-related policies ang isang foreign student.

Kumpiyansa ang opisyal na posibleng epekto ng post-pandemic rebound ang pagdami ng foreign students sa bansa, at  ang agresibong marketing ng mga paaralan at pamahalaan para mapalakas ang educational tourism sa Pilipinas.

Sa data ng BI, mahigit 1,500 Chinese ang nabigyan ng student visa sa Cagayan at may endorsement ng mga paaralan sa bansa, kung saan 400 lang ang pisikal na nag-aaral sa probinsya dahil distance learning ang ipinatutupad ng mga paaralan.