November 23, 2024

MGA DAYUHAN PAPAPASUKIN NA SA BANSA SIMULA AGOSTO 1

PAPAYAGAN na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease na makapasok ng bansa ang mga foreign national simula Agosto 1 sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque ang mga dayuhan lamang na may long-term visas ang papayagang makapasok ng bansa.

Ibig sabihin nito ay hindi makakapasok ang mga indibidwal na bago pa lamang ang visa.

Ito ay bilang isa sa mga hakbang ng gobyerno upang muling buhayin ang sumadsad na ekonomiya ng Pilipinas dahil sa coronavirus pandemic.

Ang mga banyaga na magnanais pumunta sa ating bansa ay kakailanganing magkaroon ng valid at existing visa, Dapat din nilang siguraduhin na mayroon silang pre-bookes accredited quarantine facility maging ang pre-booked coronavirus disease testing provider.

Ayon pa sa IATF, mayroon lamang maximum capacity ng mga inbound passengers ang papayagan sa mga paliparan at magiging prayoridad pa rin ng mga ito ang mga returning overseas Filipino workers (OFWs).

Dagdag pa nito na mahigpit din nilang ipagbabawal ang mga spectators o usisero sa lahat ng outdoor non-contact spost at pati na rin ang pag-eehersisyo sa mga lugar na nananatiling nasa ilalim ng general community quarantine gayundin ang mga lugar na nasa modified general community quarantine.